PRWC » Sa alaala ng Toboso 19, pandayin ang diwa ng buong-pusong paglilingkod sa interes ng sambayanan!

Pinakamataas na parangal at pagpupugay ang iginagawad ng NDFP-ST at rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan sa mga rebolusyonaryong martir na tinaguriang Toboso 19 na minasaker ng 79th Infantry Battalion noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Oriental. Ang kanilang alaala ay habambuhay na nakatatak sa kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan at magsisilbing inspirasyon sa pagsusulong ng rebolusyon sa Negros Island at buong bansa.

Mariing kinukundena ng NDFP-ST ang mga kaso ng paglabag ng AFP-PNP sa karapatang tao at internasyunal na makataong batas sa proseso ng brutal na operasyong militar sa imbing pangarap na sugpuin ang rebolusyonaryong kilusan sa isla ng Negros. Tahasan nilang nilabag ang Protocol II ng International Humanitarian Law (IHL) na nagtitiyak ng paggalang sa karapatan ng mga armadong pwersang magkatunggali at laluna ng mga sibilyan. Mula mismo sa sariling hawak na footage ng AFP, nalantad na buhay pa ang kumander ng NPA na si Roger “Ka Tapang” Fabillar at wala nang kakayahang lumaban. Hindi nila iginalang ang kanyang karapatan bilang hors de combat at tuluyan itong pinaslang.

Sa kahayupan ng mga militar, idinamay nila ang siyam na sibilyan sa paglipol sa sampung-miyembrong iskwad ng NPA. Kabilang sa mga sibilyang biktima ang isang mamamahayag (R.J. Nichole Ledesma), mga kabataang estudyante (Alyssa Alano) at organisador ng magsasaka (Maureen Keil Santuyo at Errol Wendel), mga aktibistang Filipino-American (Kai Sorem at Lyle Prijoles) at ilang residente kabilang ang dalawang menor de edad.

Pagbubudbod ng asin sa sariwang sugat ng mga kaanak ng mga biktima ang dinanas nilang pananakot at pambabastos ng estado sa mga biktima. Pinagpyestahan at kinutya ng AFP at kanilang mga trolls ang mga labi ng mga Pulang mandirigma at sibilyan—gawi ng mga barbariko, walang-utak at pusong bayarang mga indibidwal. Buktot na binibigyang katwiran ng AFP ang pagpatay sa mga sibilyan sa pagpiprisenta sa mga ito bilang mga kasapi ng NPA. Binabalewala mismo ng hepe ng AFP at kalihim sa depensa ni Marcos na si Gibo Teodoro ang mga ipiniprisentang katotohanan ng pamilya, mga kasamahan sa organisasyon at kaibigan ng mga sibilyang pinaslang. Kinakasangkapan din nila ang lokal na yunit ng gubyerno para pigilan ang anumang isasagawang independyenteng imbestigasyon ng mga grupong makatao. Sa halip ay pilit ipinatatanggap ang isinasagawang “imbestigasyon” ng mga organisasyong may kaugnayan sa militar. Desperasyon ito ng AFP na pagtakpan ang kanilang mga krimen at isubo sa bayan ang kanilang nilubid na kwento at palabas na “lehitimo” ang kanilang operasyon at ginawang masaker. Kasabay nito, nais ibunton ng reaksyunaryong estado ang sisi sa mga biktima na pawang mga progresibo, kabataan at iba pang mapagkawanggawang samahan at indibidwal sa pagpasok sa mga komunidad na may armadong sigalot “nang walang paalam”.

Ang karumaldumal na pamamaslang ng AFP sa Toboso 19 at umiigting na terorismo ng estado sa buong bansa ay resulta ng malupit na kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Marcos II. Imbing layunin nitong panatilihin ang kasalukuyang bulok na kaayusan ng malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino—na siyang dahilan ng labis na kahirapang dinaranas ng mamamayan sa Negros at buong bansa. Ang pagkabuwal ng Toboso 19 ay hindi katapusan ng rebolusyonaryong paglaban sa Negros Island kundi lalong magpapaalab sa paghahangad nitong makaalpas sa laganap na kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi sa isla. Patunay nito ang matapang na pagkilos ng daan-daang masang Negrosanon sa libing ng mga biktima para ibandera ang kanilang mga tunay na bayani at ang lumalakas na sigaw sa buong bansa at ibayong dagat para sa hustisya sa lahat ng biktima ng masaker sa Toboso. Hangga’t patuloy na naghihirap at binubusabos ang mamamayang Negrosanon, hindi sila titigil hangga’t makamit ang tunay na pagbabago sa landas ng armadong rebolusyon.

Ang karanasan at pakikibaka ng mamamayang Negrosanon ay hindi nalalayo sa kalagayan ng mamamayan sa Timog Katagalugan. Katulad nila, ang mga magsasaka sa Timog Katagalugan ay pinagsasamantalahan at inaapi. Walang sinasantong sibilyan ang mga militar sa ilalim ng Southern Luzon Command sa mararahas na operasyong militar sa kanayunan. Laganap din ang red-tagging at terror-tagging sa mga progresibong pwersa sa rehiyon. Lahat nang ito’y isinasagawa upang malayang makapandambong ang mga dayuhang korporasyon kasabwat ang malalaking burgesya komprador; patuloy na makapangamkam ng lupa ang malalaking panginoong maylupa; at lansakang mangurakot ang mga burukrata kapitalista.

Nagkakamali ang rehimeng US-Marcos II, sampu ng kanyang mga alagad sa AFP kung makakamit nila ang hinahangad na lubhang paghina ng rebolusyonaryong kilusan sa sinapit na pinsala sa Negros Island at sa teror na inihahasik sa buong bansa. Dahil sa ipinataw nilang kalagayan, sila mismo ang nagtutulak sa mamamayan na lumaban, mag-aklas at humawak ng armas.

Sa harap ng malagim na masaker sa Negros Island, hinahamon ang buong rebolusyonaryong pwersa na ibayong magsikhay sa pakikibaka sa diwa at inspirasyon ng Toboso 19 at iba pang martir at bayani ng rebolusyon—ang diwa na paglingkuran ang sambayanan hanggang sa huling hininga. Naririyan ang pamanang iniwan ng mga martir ng rebolusyon at mananatiling nakatindig ang Pulang bandila ng pakikibaka para ibagsak ang sistema ng pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong US, malalaking kumprador-panginoong maylupa at mga burukrata-kapitalista. Nakahanda ang bagong henerasyon ng mga rebolusyonaryo na bagtasin ang kahirapan, sakripisyo at maging ang kamatayan upang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan at kamtin ang tunay na kalayaan at demokrasya.

Source link