Ang Bayan Ngayon » Teodoro, tuta ng Kano; hindi suportado ng mga mangingisda

Kinastigo ng Partido Komunista ng Pilipinas ang rehimeng Marcos at ang kalihim nito sa depensa sa ni Gilberto Teodoro Jr sa kinakaharap niyang sangsyon mula sa China. Ayon kay Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, ang mga sangsyon na ito ay “direktang resulta ng agresibong pagtutulak ng rehimen militaristang patakarang panlabas na nakaayon sa US” sa gitna ng tumitinding ribalan sa pagitan nito at ng China.

Aniya, umaaktong mga utusang aso para sa estratehiyang heyopulitikal ng US si Teodoro at katulad niyang mga upisyal militar at burukrasyang sibil.

“Itinutulak nila ang pagpapalawak ng presensyang militar ng US sa bansa, ang pag-preposition ng mga gamit militar at pagsasagawa ng walang katapusang mga wargames,” ayon kay Valbuena. Gumagawa sila ng malakas na ingay tungkol sa “floating structure” ng China sa Bajo de Masinloc, ilang araw lamang matapos magpatrulya ang US Coast Guard sa lugar.

Ayon kay Valbuena, naninindigan ang mamamayang Pilipino, kasama ng iba pang mamamayan sa Asia, para sa mapayapang resolusyon ng mga internasyunal na hidwaan, kasama ang mga hidwaan sa China. Sa pagtutulak ni Teodoro at ng rehimeng Marcos ng mga militarismo ng US, naghahamon sila ng gera.

Samantala, hindi nagulat ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa ipinataw ng China na sangsyon laban kay Teodoro.

Sa isang pahayag noong Linggo, Hunyo 14, inilinaw ng grupo na hindi bibigyan ng mga mangingisda ng simpatiya o suporta si Teodoro na “nagtutulak ng mga naratibo pabor sa heyopulitikal na interes ng iba, partikular ng US.” Anito, patunay ang sangsyon na direktang sangkot si Teodoro at iba pang mga upisyal ng Pilipinas sa “heyopulitikal na tunggalian sa rehiyon” sa pagitan ng US at China. Kinastigo nila si Teodoro sa kanyang “di prinsipyadong pakikipagtagisan ng salita” habang umaaktong “factotum” o tau-tauhan ng US.

Para sa grupo, walang “marangal” sa paninindigan ni Teodoro kung ang layunin lamang nito ay isulong ang interes ng ibang superpower sa halip na ang tunay na kalayaan ng bansa.

“Hindi kami susuporta sa mga upisyal na agresibong nagtutulak ng mga naratibong may “double standard” para paboran ang isang superpower,” ayon kay Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya. “Naninindigan kaming marapat libre sa anumang dayuhang kapangyarihang militar ang ating exclusive economic zone.”

Idinagdag ni Hicap na habang abala si Teodoro sa pagiging sunud-sunuran sa US, nakakalimutan niya ang hirap na dinaranas ng mga lokal na mangingisda. Binanggit ng grupo ang pinsalang dulot ng mga ehersisyong militar gaya ng Balikatan, na nagresulta sa fishing ban at pagkawasak ng marine resources sa mga lugar gaya ng Zambales at Cagayan dahil sa mga pagsabog mula sa mga armas ng US.

Ani Hicap, hindi man lamang sila kinamusta o pinaabutan ng pagmamalasakit ni Teodoro sa harap ng malawak na pinsala sa mga pangisdaan dulot ng mga walang katuturang mga ehersisyong militar ng US.

Nanawagan ang Pamalakaya para sa isang “mapayapa at diplomatikong” resolusyon sa West Philippine Sea na nakabatay sa mutwal na respeto. Nanawagan din ito para sa pagtigil ng mga mapaminsalang dayuhang wargames at tuluyang pagbasura sa mga tagibang na kasunduang militar na nagpapahina sa sa mga pagsisikap na itaguyod ang kapayapaan sa karagatan.

Source link