Ang Bayan Ngayon » Barikada sa Los Baños, Laguna, marahas na binuwag

Kasama ang mga pulis, marahas na giniba ng demolition team ng Bambang Land Corporation (BLC) ang ilang kabahayan noong Abril 14 sa Purok 6B, barangay Bambang sa Los Baños, Laguna. Nakatakdang magpapatuloy ang demolisyon hanggang sa Abril 16.

Noong mismong araw ng demolisyon, nagkaroon ng dayalogo sa pagitan ng mga residente at ng kumpanya na nagsabing magsasagawa lamang ng pagsukat ang ilang ahente ng BLC. Nang makapasok na ang mga ito sa komunidad, biglang sinimulan ng demolition team ang paggiba sa kabahayan.

Isinagawa ang demolisyon sa bisa ng inilabas ng Writ of Demolition na inilabas ng Regional Trial Court Branch 35 na nag-uuutos sa paggiba sa mahigit 70 tahanan sa naturang komunidad, matapos paburan ng korte ang BLC. Pakiusap sana ng mga residente na ipagpaliban muna ang paggiba sa kanilang bahay upang mapaghandaan ang kanilang pag-alis.

Unang nakatanggap ng notice para sa demolisyon ang mga residente noong Marso 11 na nagbigay sa kanila ng 20 araw para lisanin ang lugar. Agad na nagtayo ng barikada ang mga residente, kasabay ng pagprotesta sa harap ng Los Baños City hall upang kundenahin ang napipintong demolisyon.

Anim na dekada nang nakatira ang mga residente sa Purok 6B. Sa bisa ng Proclamation No. 550 noong 2004, kinilala ang kanilang karapatan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay.

Hugas kamay naman ang lokal na gubyerno sa problema ng komunidad. Noong Abril 14, nagharap ang ilang residente ng Purok 6B at si Meyor Neil Andrew Nocon sa kanyang tanggap. Anito, walang umanong magagawa ang LGU dahil desisyon ito ng korte. Hindi din daw nila alam na may ganitong problema at walang budget ang lokal na pamahalaan para sa ayuda o relokasyon para sa mga residente.

Giit ng mga residente na iligal ang paraan ng isinagawang demolisyon. Anila, sa ilalim ng Urban Development and Housing Act of 1992, kinakailangan ang konsultasyon, wastong abiso at relokasyon kung kinakailangan. Dagdag dito, nakasaad sa Local Government Code of 1991 ang obligasyon ng lokal na pamahalaan na protektahan ang kapakanan ng mamamayan.

Source link