Pagdadawit ng militar sa lider ng Bayan-Aklan sa BHB, pinabulaanan

Pinasinungalingan ni Kim Sin Tugna, lider ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Aklan, ang mga paratang ng 3rd ID laban sa kanya na isa siyang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Panay. Nagmula ang paratang sa sinasabing pagkakakumpiska ng mga larawan ni Tugna na mayroong hawak na armas sa sunud-sunod na engkwentro ng BHB at 12th IB sa Tapaz, Capiz sa nagdaang linggo.

Sa pahayag ng 3rd ID, pinalalabas nitong nakuha sa mga naiwang gamit ng hukbong bayan ang larawan ni Tugna na may petsang Hulyo 2008 kasama ang mga armas pandigma. Tugon dito ni Tugna, “napaka-imposibleng ako yung nasa litrato.”

Kinwestyon ni Tugna ang authenticity o pagiging totoo ng larawan laluna at nag-aaral pa lamang siya sa hayskul sa Kalibo, Aklan noong 2008 na sinasabing petsa ng militar. Dagdag pa niya, nagtatrabaho rin siya noon kasabay ng pag-aaral sa hayskul para makatustos sa pagpasok sa eskwela.

Ayon kay Tugna, hindi malabong pakana ang pagkakakumpiska ng kanyang “larawan” ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Task Force-Elcac para arbitraryo siyang iugnay sa armadong kilusan. Paghahamon ni Tugna sa militar, kung may basehan ang AFP para iugnay siya sa rebolusyonaryong kilusan ay pwede siyang sampahan ng kaso sa korte at haharapin niya ito.

Nagpahayag ng suporta ang Bayan-Panay kay Tugna laban sa tinawag nitong walang batayang pag-uugnay sa kanya sa BHB. “Ang mga akusasyon ay gawa-gawa at malisyoso, bahagi ng patuloy na kampanya ng red-tagging at paninira laban sa mga aktibista at mga ligal na personalidad sa Panay at sa buong bansa,” ayon sa grupo.

Ayon sa Bayan-Panay, katulad rin ito ng ginawang panggigipit at red-tagging ng militar kay Tugna noong 2022. Sunud-sunod noon ang panayam at programa ng mga yunit ng AFP na tahasang nagbabansag kay Tugna at sa Bayan-Aklan bilang tagasuporta ng rebolusyonaryong kilusan.

Bilang bahagi ng paglaban sa taktikang ito ng panunupil ng rehimeng Marcos, nagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman ang mga lider ng Bayan kabilang si Tugna laban sa 3rd Civil-Military Operations Battalion. Idinetalye sa reklamo ang pagsasapanganib at paglabag sa demokratikong karapatan ng mga aktibista tuwing ginigipit at nire-redtag sila.

Nanawagan ang Bayan-Panay sa mamamayang Pilipino na ilantad, labanan at kundenahin ang mga taktika at paglabag sa karapatang-tao ng AFP at ng NTF-Elcac.

Source link