Kinundena ng Altermidya at Northern Dispatch ang ginawang Red-tagging kay Iggy Lammi-ing, mamamahayag mula sa Ilocos at regional coordinator ng College Editors Guild of the Philippines.
Ayon sa mga grupo, nakakabahala at nakakagalit ang red-tagging kay Lammi-ing dahil nalalagay ang biktima sa kapahamakan at banta ng pagkakakulong at maging kamatayan.
Kabilang sa kinokober ni Lami-ing ang isyu ng mga magsasaka, paglabag sa karapatang-tao, isyu ng mga kabataan, at pakikibaka ng mga komunidad laban sa mapaminsalang mga proyekto.
“Ipinapakita ng insidenteng ito na pinupuntirya siya hindi lamang dahil sa pag-oorganisa sa hanay ng mga mamamahayag sa kampus, kundi dahil din sa pag-uulat niya tungkol sa dredging sa Ilocos Sur at sa kalagayan ng mga mangingisda sa La Union,” paliwanag ng mga grupo.
Bagamat inako ng organisasyong “Tagapagtanggol ng Bayan Laban sa Komunismo” ang redtagging, hindi mapapasubalian ang papel ng estado at ng NTF-Elcac sa pagpapalaganap at normalisasyon ng panggigipit sa bansa na naglalagay sa mga biktima sa panganib ng karahasan mula sa estado at sa mga ahente nito.
Ayon sa mga grupo, sa pagpapatibay ng Commission on Human Rights sa panganib ng Red-tagging at pangangailangan para sa agarang aksyon, maging sa desisyon na inilabas ng Supreme Court, obligasyon ng CHR Region I na imbestigahan ang insidente, may pormal na reklamo o wala mula sa mga biktima.
Dulot ng mga desisyon at kautusan hinggil sa Red-tagging, may moral na obligasyon ang mga lokal na upisyal na tiyakin ang kaligtasan ng mga biktima at imbestigahan ang mga atakeng ito.
Nananawagan ang Altermidya at Norhthern Dispatch sa mga lokal na gubyerno ng Ilocos Sur at La Union na gumawa ng angkop at kagyat na aksyon hinggil sa insidente. Nangako din ang mga grupo na masusing babantayan ang pag-usad ng kaso ni Lammi-ing.











