Ang Bayan Ngayon » Mga masasamang elemento sa Negros Occidental, pinatawan ng kaparusahang kamatayan ng BHB

Dalawang masasama at pusakal na elemento sa bayan ng Calatrava, Negros Occidental ang pinatawan ng parusang kamatayan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) sa nagdaang mga linggo alinsunod sa hatol ng hukumang bayan. Ayon sa yunit, ang pagsasakatuparan nila sa hatol ay nagpapamalas ng sinseridad nito na ipagtanggol ang kapakanan at interes ng masang Negrosanon.

Bago ipinatupad ang mga parusang kamatayan, masinsin at maingat ang proseso ng imbestigasyon ng kinauukulang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo, sangay ng Partido o yunit ng BHB na nakatalaga sa eryang pinangyarihan ng krimen ng mga akusado.

Kasunod na binubuo ang hukumang bayan at isinasakatuparan ang kinakailangang mga rebolusyonaryong prosesong hudisyal. Kabilang dito ang paghaharap ng sakdal sa akusado at pagbibigay ng pagkakataon sa kanila na magpaliwanag at ipagtanggol ang kanilang mga sarili at umapela.

Una sa ipinatupad na hatol ng BHB-Northern Negros ang pagpataw ng parusang kamatayan noong Mayo 5 kay Jemar Mahusay, 53 anyos na taga Sitio Agbalatuan, Barangay Dolis. Hinatulan siya ng rebolusyonaryong korte na may pananatugan sa: (1) pagpatay sa kanyang kapatid; (2) panghohold-up sa mga residente sa erya; (3)pagbabanta na patayin ang kanyang ina; at (4) panghaharas sa kababaihan sa lugar.

Kasunod naman ang pagparusa noong Mayo 13 sa Barangay Minautok kay Gerry Baitan, 53 anyos, sa kasong panggagahasa sa anak niyang 18-anyos na person with disability (PWD). Nagsilbi si Baitan na aset ng 79th IB na nakadestino sa Calatrava. Nagtuturo siya ng mga sibilyan bilang mga myembro ng hukbong bayan para makaabot sa “kota” na ipinataw ng militar sa kanya. Sumasama rin siya sa mga operasyong kombat bilang giya.

“Ang mga punitibong aksyon na ito ay pagpapakita na mananatili pa rin ang pag-iral ng BHB dahil sa suporta ng malawak na masang inaapi at pinagsasamantalahan ng mga naghaharing uri,” pahayag ni Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros. Dagdag pa niya, ang mga aksyong ito ay paraan rin nila ng pagpapatuloy sa naiwang mga gawain at mithiin ng mga martir at bayani ng Toboso masaker

“Bagaman nagluluksa ang mga Pulang mandirigma ng Roselyn Jean Pelle Command at ang buong rebolusyonaryong pwersa ng Northern Negros, hindi nito isinantabi ang paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima nga mga anti-sosyal na mga elemento at ng mismong pasistang estado,” pahayag ni Estrella.

Sampal din umano ang mga ito sa mukha ng 79th IB, pulis, at ng National Task Force-Elcac na tila sirang plaka sa pagmamayabang na “nabuwag” na ang yunit ng BHB sa Northern Negros. “Hangga’t nariyan ang inhustiya, kahirapan at kagutuman, dadami at dadami ang mag-aarmas at sasampa sa BHB upang kamtin ang lipunang malaya, walang pang-aapi at pananamantala,” aniya.

Source link