Protesta laban sa Jalaur Dam, inilunsad; reklamo laban sa pinansyer nitong bangkong Koreano, isinampa

Naglunsad ang mga myembro at tagasuporta ng Jalaur River for the People’s Movement (JRPM) ng picket sa harap ng Iloilo Provincial Capitol noong Agosto 25 upang ipabatid sa mga upisyal ng isla ang nagpapatuloy na paglabag sa karapatang-tao at pagkasira ng kalikasan na dala ng Jalaur River Multipurpose Project II (JRMP II), o mas kilala bilang Jalaur Mega Dam. Ang kilos-protesta ay isinagawa bilang pakikiisa sa mga Tumandok sa International Day of Solidarity and Action para sa Tumandok at bilang bahagi ng pagdiriwang ng Indigenous Peoples’ Month.

Kinilala at sinaluduhan sa pagkilos ang mga bayani at martir na Tumandok na matagal nang lumalaban para ipagtanggol ang kanilang lupang ninuno at komunidad laban sa mapaminsalang epekto ng dam. Layunin ng protesta na mapalakas ang panawagan para sa katarungan at pananagutan sa mga malubhang paglabag na kaugnay ng pagtatayo ng dam na nagsimula noon pang 2011.

Kamakailan, nagsampa ng reklamo ang JRPM laban sa Korean Export-Import Bank (KEXIM/EDCF) at Daewoo E&C para sa papel ng mga ito sa malawakang paglabag sa karapatang-tao, pagkasira ng kalikasan at mga internasyunal na mga tuntunin. Nagtungo ang grupo sa South Korea para isampa ang reklamo sa mga korte roon sa tulong ng mga grupong Koreano tulad ng People’s Solidarity for Participatory Democracy (PSPD) at mga abugado mula sa Advocates for Public Law Interest.

“Nilabag ng KEXIM/EDCF ang sarili nitong mga patakaran sa proteksyon nang pinondohan nito ang proyekto na nagdulot ng di-mababagong pinsala sa mga Tumandok at sa kanilang mga ninunong lupa,” pahayag ni John Ian Alenciaga, koordineytor ng JRPM. “Nagpapatuloy ang militarisasyon, red-tagging, pagbabanta, at panliligalig sa mga komunidad ng Tumandok, at marami na ang lumikas mula sa kanilang lupa matapos ang Tumandok Massacre noong 2020. Kailangang panagutin ang KEXIM at Daewoo. Dapat tigilan ang pagpopondo, maipaghain ang hustisya para sa mga biktima, at masiguro ang ganap na pananagutan.”

Palalayasin ng proyekto ang 17,000 katao, wawasakin ang kanilang mga kabuhayan at buburahin ang pamanang kultura ng mga Tumandok. Kabilang sa pinakamalalalang krimen na isinagawa ng estado, kasabwat ang mga pinansyer ng proyekto, ang pagmasaker sa siyam na Tumandok, kasabay ng pag-aresto sa 16 pa, dahil sa kanilang paglaban sa dam.

“Dapat makipag-ugnayan ang Daewoo E&C sa mga apektadong komunidad at kilalanin ang kanilang pananagutan. Kailangang gampanan ng Korean NCP ang prosesong ito upang masiguro ang pananagutan ng kumpanya at katarungan alinsunod sa mga pamantayan ng OECD (Organisation for Economic Co-operation and Development),” ayon naman sa abugadong si Jung Shin-young ng Advocates for Public Law Interest.

Panawagan nila, agad na itigil ang konstruksyon ng dam at hustisya sa lahat ng mga biktima ng pang-aabuso at mga krimen ng militar.

Source link