Sa pahayag nito para sa paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa noong Mayo 1, nanawagan ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) sa uring manggagawang Pilipino na tanganan ang pangkasaysayang tungkulin na mamuno sa pambansa-demokratikong rebolusyon. Layunin ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang kamtin ang pambansa at panlipunang pagbabago at paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala ng imperyalismong US, pyudalismo at burukratang kapitalismo.
Ayon sa RCTU, sa harap ng tumitinding krisis ay lalong nalalantad ang atrasadong kalagayan ng ekonomya ng bansa. Higit na naghuhugis din umano ang pagpapakatuta ni Ferdidnand Marcos Jr na mas piniling makipagsabwatan sa imperyalistang US, mga burukrata-kapitalista at mga kartel ng langis sa halip na tugunan ang hinaing ng taumbayan. “Wala tayong aasahan sa papet, pahirap, korap at pasistang rehimeng US-Marcos,” anito.
Sa harap nito, ipinahayag ng RCTU na kailangang organisahin ang pinakamaraming manggagawa lalo na ang mga kontraktwal para maramihang itayo, palakasin at palawakin ang mga tunay, militante at anti-imperyalistang mga unyon. “Kailangang igpawan ang mga ligalistang depinisyon sa labor code sa kung sino lamang ang maaaring maging kasapi ng mga unyon,” pagdidiin ng grupo.
Malaki rin umano ang pangangailangang pakilusin ang mga kasapi ng unyon na mag-organisa ng mga kapwa manggagawa sa mga inuuwiang komunidad. Hinimok rin nito ang mga myembro na organisahin ang mga maralitang lungsod, kabataan, at kababaihan sa mga komunidad. “Sa ganito, magagamapanan natin ang mahalagang tungkulin na pagkaisahin at organisahin hindi lang ang mga manggagawa kundi ang iba pang aping sektor para buuin ang gulugod ng kilusang masa sa kalunsuran,” pahayag nito.
Ipinanawagan rin ng RCTU ang pagsusulong ng mga pakikibakang pang-unyon at pang-ekonomya tulad ng umento sa sahod, pagbasura sa kontraktwalisasyon at pleksibleng paggawa, at iba pa. “Paramihin pa ang mga unyon na naglulunsad ng mga protesta at welga bilang sandata ng paglaban,” anito.
Kinakailangan rin umanong pamunuan at mahigpit na makipagkaisa ang mga manggagawa sa mga pambansang pakikibaka. “Sa ganito natin mababaka ang nanuot na ekonomismo, repormismo, NGOismo at sektoralismo sa ating hanay,” ayon pa sa konseho.
Pagdidiin ng RCTU, sa takbo ng pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang masa ay dapat isagawa ang lahat ng porma ng propaganda at pag-aaral. Panawagan nito sa mga myembro na ipalaganap ang mga pagsusuri sa mga isyung kinakaharap at ihapag ang alternatibong programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon. “Kailangan ding malawakang ituro at palaganapin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang pang-ideolohiyang sandata ng manggagawa at mamamayan sa paglaban,” anito.
Mga hakbang sa organisasyon
Sa larangan ng organisasyon, iginiit ng RCTU ang pagbubuo ng mga sangay ng Partido Komunista ng Pilipinas sa mga empresa upang paramihin at palakasin ang mga rebolusyonaryong unyon na mangunguna sa pagmumulat sa mga manggagawa at mamamayan. Kasabay nito, dapat umanong tipunin ang mga abanteng manggagawa sa mga balangay ng Pulang Brigada ng mga Manggagawa (PBM).
Sa ganitong diwa, ang sangay ng Partido katuwang ang mga balangay ng PBM ang bubuo sa Revolutionary Council sa loob ng pagawaan na magsusulong ng rebolusyonaryong propaganda at pag-aaral at pagsuporta sa armadong pakikibaka. “Ang paparaming Revolutionary Councils ang bumubuo sa pambansang pormasyon ng Revolutionary Council of Trade Unions,” anito.
Sa pagpapalakas ng rebolusyonaryong kilusang lihim sa hanay ng mga manggagawa sa kalunsuran, ibubunga nito ang papalaking suporta ng RCTU sa armadong pakikibakang inilulunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa kanayunan. Nanawagan ang RCTU sa lahat ng manggagawa, lalo na ang mga kabataang manggagawa, na laksa-laksang tumungo sa kanayunan at sumapi sa hukbong bayan upang iabante ang digmang bayan.
Naniniwala ang RCTU na sa pagsulong ng digmang bayan sa kanayunan ay baha-bahaging madudurog ang reaksyunaryong rehimeng Marcos mula sa kanayunan patungong kalunsuran, at antas-antas na itayo ang demokratikong gubyernong bayan. “Ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas ang pinakamalaking maiaambag ng proletaryong Pilipino sa pandaigdigang pakikibaka para wakasan ang imperyalismo at hawanin ang landas tungo sa sosyalistang lipunan na malaya sa pagsasamantala at pang-aapi,” anito.










