Ang Bayan Ngayon » Lantarang pakikialam ng US Coast Guard sa Bajo de Masinloc, binatikos

Sa pagitan ng Mayo 28 hanggang Mayo 30, inilunsad ng US Coast Guard, karay-karay ang mga barko ng Philippine Coast Guard, ang tinawag nitong “pinagsanib na pagpapatrulya” sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal), isang mayamang pangisdaan na matatagpuan humigit-kumulang 220 kilometro mula sa baybay ng Zambales.

Sa “pagpapatrulya” na ito, “inensayo” ng US ang mga Pilipinong coast guard sa mga operasyong “visit, board, search and seizure (pagpasok, pagrekisa at pagkumpiska ng mga barkong itinuturing na “kalaban” o gumagawa ng krimen sa karagatan), maritime interdiction (panghaharang, pananabat, at pangrerekisa ng katulad na mga barko), search and rescue, and maritime law enforcement (pagpupulis sa karagatan).

Mariin kinundena ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang ginawang “ensanyo” ng US Coast Guard na, anito’y, lantarang panghihimasok at panggagatong ng US sa mga hidwaan at tensyon sa karagatan ng Pilipinas.

“Anong ginagawa ng US Coast Guard sa karagatan na libu-libong milya mula sa sariling baybayin na dapat ay ginugwardyahan nito?,” tanong ni Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng CPP. “Ano pa nga ba ang ibang layunin nito kundi paypayan ang hidwaan sa pagitan ng China at Pilipinas, para may dahilan silang makialam at magpadala ng mas marami pang pwersang militar.”

Ang pagpatrulya ng US Coast Guard sa Bajo de Masinloc ay labag sa kahingian ng mga Pilipino, laluna ng mga Pilipinong mangingisda, na payapa at diplomatikong resolbahin ang mga sigalot sa dagat sa pagitan ng Pilipinas at China, ani Valbuena.

“Imbes na bawasan ang presensya ng mga pwersang armado sa paligid na karagatan ng bahura para maigiit ang karapatan ng maliliit na mangingisdang Pilipino, lalo nitong ginawang mahirap hanggang imposible ang payapang paglalayag at pangingisda nila doon,” dagdag ni Valbuena.

Para bigyan-katwiran ang pagtatagal ng presensya ng US Coast Guard, ipinalalaganap ng AFP na may nakitang “di kumpirmadong istruktura” na diumano’y itinayo dito ang China. Ang “hilaw na impormasyon” na ito ay isinusubo sa midya ni Defense Sec. Gilbert Teodoro at ng AFP, at kinuha sa ahensya ng US na SeaLight at ng direktor nitong si Ray Powell.

“Talagang mga utusang bulldog ng US si Teodoro at mga upisyal ng AFP,” sabi ni Valbuena. “Kung ano ang utos ng US, mabilis silang sumusunod. Palibhasa, nakaasa sila sa mga armas, pondo at payo ng kanilang mga imperyalistang amo. Hindi nila kailaman kinakatawan ang mga interes ng mga Pilipino.”

Ang Bajo de Masinloc ay sentro ng mainit na tunggalian dahil sa magkasabay na pag-angkin dito ng China, Pilipinas at Taiwan. Bagamat nasa loob ito ng exclusive economic zone ng Pilipinas, walang desisyon ang Permanent Court of Arbitration (PCA) kung sino ang nagmamay-ari ng mga bato sa bahura dahil mga karagatan lamang ang saklaw ng hurisdiksyon ng tribuna at hindi ang pag-aari ng mga isla o lupa.

Idineklara ng PCA ang karagatan sa paligid ng bahura bilang tradisyunal na fishing grounds ng maliliit na mangingisdang Pilipino, Chinese at Vietnamese.

Source link