Barat na sahod at tanggalan, bumabayo sa sektor ng paggawa

Sinalubong ng mga manggagawa ang muling pagbubukas ng kongreso ng protesta noong Nobyembre 4 para igiit ang pagsasabatas ng dagdag-sahod sa pambansang antas. Anila, hindi nakaaagapay ang barya-baryang ibinigay ng mga regional wage board sa pagsirit ng implasyon at pagbagsak ng pamumuhay ng mga manggagawa. Pinakahuli rito ang kakarampot na ₱40 dagdag-sahod sa mga manggagawa sa Western Visayas na anila’y ni hindi makabili ng isang kilong bigas.

Kasabay ng patuloy na pagkalugmok ng kanilang pamumuhay, nahaharap rin ang mga manggagawa sa iligal at arbitratryong tanggalan at iba pang paglabag sa mga karapatan sa paggawa.

Isa rito ang sunud-sunod na tanggalan at pagkamatay ng mga manggagawa sa Herma Shipyard sa Mariveles, Bataan sa nakaraang mga buwan. Hindi bababa sa 50 manggagawa ang tinanggal noong Agosto kabilang ang mga nagtatrabaho sa pagawaan nang dalawa hanggang 25 taon. Noong Setyembre, dalawang manggagawa ang namatay habang nasa trabaho dahil sa hindi ligtas na mga kundisyon sa paggawa.

Sa ABS-CBN, higanteng network sa telebisyon, humigit-kumulang 100 manggagawa ang nasa peligro na mawalan ng trabaho dahil sa pagbaba diumano ng kita mula sa mga patalastas ng network. Pagmamay-ari ang kumpanya ng pamilyang Lopez, isa sa pinakamalaking burgesyang kumprador sa bansa.

Sa Davao del Sur, 3,200 ang biglaan at arbitraryong tinanggal ng Franklin Baker Inc. noong Oktubre 3. Ipinaabot ng kumpanya ang pagtatanggal sa pamamagitan lamang ng mensahe sa isang Facebook group. Hanggang ngayon, hindi malinaw sa mga manggagawa ang kanilang istatus.

Sa Quezon City, nagkasa ng welga ang mga drayber at konduktor ng Mark Eve’s Transit sa harap ng paradahan nito sa P. Tuazon Boulevard, Barangay Project 4 noong Nobyembre 5. Ito ay para labanan ang pagtatanggal sa limang upisyal ng kanilang unyon. Tinanggal ang naturang mga manggagawa matapos tumanggi ang unyon sa pakana nang maneydsment na ito ang magtatalaga ng mga upisyal ng kanilang unyon.

Dagdag ang mga manggagawang ito sa tinanggal na 800 empleyado ng Ninoy Aquino International Airport at mahigit 300 manggagawa sa Mactan Export Processing Zone noong Setyembre.

Samantala, inalok lamang ng ₱10,000 na separation pay ang tinanggal na mga manggagawa ng AC Mojares Construction kahit apat hanggang 19 na taon na silang nagtatrabaho sa kumpanya. Malaki rin ang hindi ibinayad na sahod sa kanila para sa overtime pay, holiday pay, rest day pay, at night shift differential. Nagprotesta ang mga tinanggal na manggagawa sa harap ng kumpanya sa Quezon City noong Oktubre 29, para igiit ang pagbibigay ng nararapat sa kanila.