Halos siyam na taon nang nakapailalim sa PrimeWater Infrastracture Corporation ang serbisyo ng tubig sa Sorsogon City, at siyam na taon ring nagdudurusa ang mga Sorsoganon sa marumi, mahina o halos walang tubig at napakamahal na singil ng kumpanya. Pagmamay-ari ng malaking burgesyang kumprador na pamilyang Villar ang PrimeWater.
Noong Setyembre 15, 2023, nag-isyu ang Sorsogon City Water District Board (SCWD) ng Notice of Intention to Pre-terminate ng Joint Venture Agreement (JVA) sa pagitan nito at ng PrimeWater.
Ayon sa Board of Directors ng ahensya, naglabas ito ng pabatid dahil sa hindi pagsunod ng PrimeWater sa kanilang obligasyon sa pagbibigay ng serbisyo. Sa kabila nito, tuloy pa rin ang JVA ng SCWD sa PrimeWater. Walang ibinigay na paliwanag kung bakit hindi itinigil ang operasyon ng kumpanya. Wala ring nagbago sa kalidad ng serbisyo ng PrimeWater matapos padalhan ng pabatid.
May ilang residente sa syudad na sa poso at sa balon na umaasa ng tubig sa pangluto dahil sa kapalpakan ng PrimeWater. Anila, mas ligtas pang gamitin ang tubig dito kaysa tubig mula sa kumpanya.
“Pinaputol ko na [ang] koneksyon namin sa PrimeWater imbis na makatipid gumagastos pa kami ng halos ₱100 kada araw para sa inuming tubig namin. Kadiri kasi talaga ang tubig nila parang may mga lumot,” pahayag ng residente ng syudad na si Lola Violeta.
Sinara naman ng PrimeWater Sorsogon City ang comment section ng kanilang Facebook (FB) page upang makaiwas sa pagdagsa ng reklamo ng mga naka-asa dito. Bumubuhos sa pahinang ito ang galit ng mamamayan laluna tuwing may episode ng “SCWD Tubig”, kung saan nagtatalakay ang PrimeWater ng mga apdeyt, paraan ng pagtipid at iba pa.
“Everday kaming walang tubig dito sa Cabid-An, Sorsogon City pero monthly may bayaran sa inyo, grabe na to. Pabalik-balik sa upisina niyo lagi sinasasabi aaksyunan na, hanggang ngayon wala pa din tong pagbabago,” pahayag ni Ivy sa isang episode ng SCWD Tubig.
Halos kada tatlong araw ay may paabiso ang PrimeWater na service interruption o mapuputol ang serbisyo sa iba’t ibang paulit-ulit na pagdadahilan—may inaayos na linya ng tubig, mawawalan ng kuryente, pag-aayos ng pumping station, masyadong mahina ang presyur ng tubig at iba pa.
Ayon sa mga residente, hindi lamang mahina ang presyur ng tubig, talagang walang tubig.
“Ang tubig po simula pa Abril hanggang ngayon, mahina ang presyur ng tubig niyo tapos iyon lang irarason niyo?” tanong ni Dan, isa ring naka-asa sa serbisyo.
“Araw-araw po na walang tubig hindi lang sa Bacon, dito sa Pampang lagi walang tubig. Wala po kwenta ang serbisyo niyo ano pa po ang silbi ng araw-araw niyong advisory!” galit na pahayag ni Lea mula sa Barangay Pampang.
Muling nalantad ang kabulukan ng PrimeWater at kainutilan ng lokal na ahensya nang magpahayag si Esther Hamor, meyor ng Sorsogon City, noong Hunyo 7 sa isang panayam sa Brigada Sorsogon.
“(N)aisip ko lang, andyan na si bagong senador na si Camille. Baka pwede kong lambingin na tulungan tayo,” pahayag ni Hamor. Aniya, mga kaibigan naman daw niya ang mga Villar kaya siguradong tutulungan siya ng mga ito.
Sinalubong ng galit ang pahayag na ito ng meyor.
“Lambingin man ni mayora o hindi, dapat lang na ayusin ng PrimeWater ang serbisyo nila dahil nagbabayad ng maayos ang mga konsyumer. Hindi yung may libre pang ice tea o 3 in 1 pa mismo na lumalabas sa gripo. Mabuti kung hindi yan dumadaan sa kuntador,” galit na pahayag ng residenteng si Joe Mari sa FB page ng Brigada.
“Kunin na lang po ng Sorsogon Water District wala man po pagbabago ang serbisyo nila lalong lumalala. Di naman natin pinupulot ang pera na binabayad sa kanila, pinapayaman lang natin ang mga Villar,” pahayag naman ni Majalla mula sa Barangay San Juan Roro.
Ang SCWD ay isa sa 80 local water district na may JVA sa PrimeWater. Tulad nang sa Sorsogon, nahaharap din sa patung-patong na reklamo ang naturang kumpanya sa iba’t ibang prubinsya sa buong Pilipinas dahil sa palpak nito na serbisyo.
Bunga ng sama-samang pagkilos ng mamamayan at mga organisasyong nagsusulong ng karapatan sa serbisyo sa tubig ay natulak ang mga local water district na wakasan na ang kanilang JVA sa PrimeWater tulad ng sa San Jose Del Monte, Calumpit, Malolos, at Marilao (Bulacan); Trece Martires, Silang and Tagaytay (Cavite); Lucena (Quezon); Subic (Zambales); San Fernando, Angeles, at Mabalacat (Pampanga); Daet, Mercedes, at Basud (Camarines Norte); Bacolod (Negros Occidental); Bohol, Leyte at Bukidnon. Tinapos na ng Metro San Fernando Water District ng La Union ang kanilang JVA sa PrimeWater at agad na sinabalikat muli ang pangangsiwa sa serbisyo sa tubig, ngunit natigil rin ito matapos maghain ng Temporary Restraining Order ang Regional Trial Court batay sa apela ng PrimeWater.
Nananawagan ang Water for the People Network sa pagwawakas ng lahat ng kasunduan sa PrimeWater, at para sa mga ahensya ng gubyerno—kabilang ang Local Water Utilities Administration, Congress, at ng Senado—na imbestigahan ang mga paglabag nito at harapin ang kanyang mga pananagutan.