Kinutya ng grupong Gabriela ang panawagan ng rehimeng US-Marcos na “kumalma” ang mamamayan at “huwag gumamit ng dahas” sa gitna ng lantarang korapsyon at katiwalian sa gubyerno.
Ayon sa grupo, walang moral na awtoridad na manawagan si Marcos Jr. ng “pagkalma” bilang siya ang pinakamalaking ‘OG nepo baby’ ng bansa o orihinal na anak ng kurakot sa gubyerno.
“Ang kapal ng mukha ni Marcos Jr na magsabi ng ‘due process’ habang siya mismo, ay nakuha ang kanyang posisyon bilang presidente, hindi dahil sa kanyang merito kundi dahil sa nakaw na yaman ng kanyang pamilya,” paliwanag ni Clarice Palce, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
“Karapatan ng sambayanang Pilipino na magalit at magprotesta laban sa nagpapatuloy na pagnanakaw ng pondo ng bayan para sa flood control projects na maari sanang nakapagligtas ng buhay,” dagdag ni Palce.
Paliwanag ng grupo, habang ang ordinaryong mamamayan ay nagdurusa dahil sa mga pagbaha dulot ng mga maanomalyang proyektong imprastraktura, bilyun-bilyong pondo para dapat sa mga proyektong ito ang binubulsa lamang ng mga tiwaling upisyal at kanilang kroni.
“Hindi mali ang galit ng Pilipino-mali ang sistemang nagpapayaman sa mag korap na upisyal habang nalulunod ang mahihirap sa baha at kahirapan!” pahayag ni Palce.











