Ang Bayan Ngayon » Pagsasakdal ng US sa dating pangulo ng Cuba, sangkalan para salakayin ang bansa

Libu-libong Cuban ang dumagsa sa Malecón Seawall sa Havana noong Mayo 22 para ipakita ang kanilang mahigpit na pagkakaisa na ipagtanggol ang kanilang dating pangulo na si Raúl Castro kasunod ng kamakailang pagsasakdal sa kanya ng rehimeng Trump ng US sa diumanong kasong pagpatay. Binatikos nila ang banta ng US na lilitisin nito si Castro “sa sarili niyang kagustuhan o sa iba pang paraan.”

Batid ng mga Cuban na naghahanda ang US para kidnapin si Castro sa pamamagitan ng direktang interbensyong militar. Katulad ito sa ginawa ng US na pagkidnap sa presidente ng Venezuela na si Nicolás Maduro noong Enero.

Ayon kay Cuban President Miguel Díaz-Canel, ang pagsasakdal ay “isang pulitikal na aksyon na walang anumang ligal na batayan.” Layunin lamang nito na “pakapalin ang gawa-gawang kaso (laban kay Castro) para bigyang-katwiran ang kahungkagan ng isang agresyong militar laban sa Cuba.”

Nag-ugat ang kaso sa akusasyon ng U.S. Department of Justice na personal na inaprubahan ni Castro, na nagsilbi bilang Minister of Defense ng Cuba noong 1996, ang pagpapabagsak sa dalawang sibilyang eroplano na pinapatakbo ng grupong Brothers to the Rescue. Apat na lalaki ang namatay sa pagpapabagsak, tatlo sa kanila ay mga mamamayan ng US.

Ayon kay Díaz-Canel, “nagsisinungaling at pinipilipit” ng US ang kasaysayan. Aniya, ang mga aksyon noong 1996 ay isang “legal na pagtatanggol sa sarili” laban sa patuloy at mapanganib na paglabag sa airspace ng Cuba ng mga grupong distyero na itinatag at pinopondohan ng US. Inilinaw ng Cuba na bago ang insidente, ilang beses na nitong binalaan ang naturang mga grupo na huwag lumabag sa himpapawid ng bansa.

Tinawag din ng Cuba ang pagsasakdal kay Castro na “puspusang pagka-ipokrito” sa harap ng pagsasagawa ng US ng mga ekstrahudisyal na pagpapasabog sa mga sibilyang barko sa karagatan ng Caribbean at Pacific sa akusasyong sangkot ang mga ito ismagling ng iligal na droga.

Binatikos nina Díaz-Canel at ng iba pang mga upisyal ang mga panawagan sa mamamayang Cubano na “yakapin ang isang bagong landas” at patalsikin ang kasalukuyang rehimen. Para sa Cuba, ang mga pakanang ito, kasabay ng oil blockade, ay anyo ng “kolektibong parusa” at henosidyo sa mamamayang Cuban.

Sa protesta, iwinasiwas ng mamamayan ang mga bandila ng Cuba at mga panawagan tulad ng “Patria o muerte, ¡venceremos!” (Bayan o kamatayan, tayo ay magtatagumpay!) at “Manos Fuera de Cuba” (“Hands Off Cuba”) laban sa napipintong agresyong militar ng US.

Source link