Ang Bayan Ngayon » Pagkasira ng watershed, nagdulot ng krisis sa tubig sa Catbalogan

Sa kabila ng malalakas na pag-ulan, nararanasan ngayon sa Catbalogan City, Samar ang matinding kakulangan sa suplay ng tubig. Apektado ang paglilinis, pagligo, pagkain at araw-araw na gawain ng mga residente.

Sa tindi ng krisis muntik nang masuspinde noong Hulyo 6 ang mga klase at trabaho ng mga empleyado ng gubyerno. Sa isang palengke, hindi makapagtinda nang maayos ang mga manininda ng isda, karne at gulay.

Ayon sa lokal na gubyerno, hindi kayang iproseso ang tubig mula sa Antiao River dahil masyado itong malabo, samantalang nawalan naman ng kuryente ang electric pump sa bukal ng Caramayon. Ang dalawa ang mayor na pinagkukunan ng suplay ng tubig ng syudad.

Pinangangambahan ni Dr. Ronald Orale, propesor sa water engineering sa Samar State University, na ang krisis sa tubig ay posibleng dulot ng mas matagalang problema ng “water bankruptcy” sa Catbalogan. Aniya, labis na naabuso at nasira ang watershed ng Antiao, dahilan para bumagsak ang kalidad at agos ng tubig nito.

Kulang na umano ang mga puno at tanim sa watershed para makasalo ng ulan. Nagdudulot ito ng soil erosion na nagreresulta sa high turbidity o labis na paglabo ng ilog sa panahon ng tag-ulan. Sa panahon naman ng tagtuyot, humihina ang agos ng tubig.

Para sa matatagal nang residente ng syudad, dahilan nito ang pagtaas ng demand sa tubig sa nakaraang dekada, bunga ng walang tigil na konstruksyon ng mga subdivision, bilding at mga proyektong reklamasyon sa syudad.

Panawagan ni Orale, kailangang ipagtanggol at ibalik sa dati ang Antiao watershed para matiyak ang malinis at sapat na suplay ng tubig para sa mga Catbaloganon.

____
—ulat mula sa Larab, rebolusyonaryong pahayagang masa sa Eastern Visayas

Source link