Nakasusulasok ang sangsang ng burukrata-kapitalismo sa ilalim ni Marcos

Ang pagdiskaril sa paglilitis ng kasong impeachment laban kay Sara Duterte ay isang garapalang pagbusal sa malakas na sigaw ng taumbayan para siya’y papanagutin sa maanomalyang paggamit ng daan-daang milyong pisong pondo ng bayan at iba pang malulubhang kaso ng korapsyon at pag-abuso sa kapangyarihan.

Nagpasya ang buong Korte Suprema at mayorya ng Senado, kabilang ang karamihan ng mga kapanalig ni Marcos, taliwas sa hangarin ng taumbayan na panagutin at parusahan ang mga tiwaling upisyal at umaabuso sa mga sikretong pondo ng reaksyunaryong gubyerno.

Sa hakbanging ito, nangibabaw ang impluwensya at interes ng iba’t ibang burukrata-kapitalistang pampulitikang paksyon. Sinasalamin ng pagbabasura sa impeachment ang tumitinding pampulitikang maniobrahan at girian, at sabwatan at akomodasyon, ng iba’t ibang paksyon ng naghaharing uri.

Pinakahuli lamang ito sa ilang ulit nang salpukan sa pagitan ng mga Marcos at Duterte. Ang malalim na hidwaang ito ng pinakamasasahol na pangkating pasista at mandarambong, kasama na ang iba’t ibang paksyon ng mga reaksyunaryong naghaharing uri, ay tiyak na sisiklab pa sa iba’t ibang anyo at paraan, laluna’t nakatingin na silang lahat sa eleksyong 2028.

Sa ginawang pagsisirku-sirko at paglalaro sa sariling batas at mga proseso ng reaksyunaryong gubyerno, inunsyami ng Korte Suprema at Senado ang paghahangad ng taumbayan na panagutin sa katiwalian si Sara Duterte. Pinanabikan nila ang pagkakataon na mabusisi sa publiko ang ginawa niyang paglustay sa ₱612.5 milyon bilang bise presidente at noo’y kalihim ng Department of Education. Subalit higit dito, inabangan nila ang paglilitis upang mabulatlat at ibuyangyang ang kalakaran ng korapsyon ng buong naghaharing reaksyunaryong gubyerno.

Batid ng sambayanang Pilipino na ang paglustay ni Duterte sa pondo ng bayan ay salamin lamang ng mas masahol at mas malawak na korapsyon ng buong naghaharing reaksyunaryong gubyerno. Ang panawagang siya’y panagutin at parusahan ay bahagi lamang ng sigaw para panagutin ang lahat ng upisyal na nagpapakasasa sa kapangyarihan.

Ang malalalang kaso ng katiwalian at pagnanakaw sa gubyerno sa ilalim ng ama niyang si Rodrigo Duterte, ngayon ay hinihigitan pa ng garapalang pandarambong sa ilalim ni Ferdinand Marcos Jr―ang kasalukuyang hari ng mga magnanakaw sa gubyerno. Ang dating ilampung bilyong pisong ibinulsa ni Duterte ay dinadaig ng ngayo’y daan-daang bilyong kinukulimbat ni Marcos sa Maharlika Investment Fund, “confidential and intelligence funds,” kaliwa’t kanang proyektong imprastruktura at nabawi nang nakaw na yaman ng kanyang pamilya.

Labis ang pagdurusa ng sambayanan sa malalang korapsyon ng pinakamatataas na upisyal sa gubyerno. Kabilang sa resulta nito ang kamakailang dinanas na malawak na pagbaha, nagtataasang presyo ng bigas at mga bilihin, lumalaking singilin sa bulok na mga serbisyong publiko, pagtanggi ng estado na ipag-utos ang umento sa sahod, pang-aagaw at pagpapalit-gamit sa lupa, pagdagsa ng imported na kalakal, pagwasak sa kalikasan, kawalang suporta sa mga biktima ng sakuna, pati na ang malalang pandaraya sa eleksyon, malulubhang paglabag sa karapatang-tao at pasistang karahasan.

Kasabwat o kasosyo nila ang malalaking negosyante at mga dayuhang kapitalista at mga bangko na nabibiyayaan ng mga kontrata ng gubyerno. Nakakukuha sila ng mga kikbak at suhol, at iba pang pakinabang mula sa kanilang kapangyarihan o impluwensya. Gamit ng mga burukrata-kapitalista ang kanilang kapangyarihan upang paburan ang kanilang interes, at ng kanilang mga kamag-anak, kaibigan o kakampi.

Pinagtitibay at ipinatutupad nila ang mga batas o programa na pabor sa mga dayuhang malalaking kapitalistang mamumuhunan. Paborito ng rehimeng Marcos, pati na ng mga nagdaang burukrata-kapitalistang rehimen, ang mga proyektong pang-imprastruktura―mga kalsada, tulay, pati na mga “flood control projects” kung saan karaniwan nang hindi bababa sa 10% ng halaga ng proyekto ang kanilang naibubulsa.

Sa pagtalumpati kamakailan ni Marcos sa Kongreso, umasta siyang galit sa mga palpak na proyektong kontra-baha, para lamang umiwas sa paniningil ng bayan. Ang totoo, bawat isa niyon ay masusing nirepaso ni Marcos upang tiyakin walang proyektong hindi mag-aambag sa palaki nang palaki niyang kulimbat. Galit si Marcos sa mga nagsisingit sa badyet ng mga proyekto na hindi muna tinitiyak ang kanilang porsyentong ambag.

Sa harap ng mga ito, lalong sumisidhi ang pagnanais ng sambayanang Pilipino na singilin at panagutin ang mga burukrata-kapitalistang nang-aapi at pagpapahirap sa kanila. Sa gitna ng hindi malutas-lutas na krisis sa ekonomya ng naghaharing sistema sa Pilipinas, lalo nagiging garapal, madamot at walang renda ang paggamit nila sa kapangyarihan para sa pagpapayaman, habang pabigat nang pabigat ang ipinapataw na buwis at singilin sa balikat ng bayan. Palaki nang palaki ang utang ng Pilipinas na ipinapapasan sa taumbayan.

Anupaman ang ginamit na katwirang ligal, ang ginawang pagsalag ng Korte Suprema at Senado kay Sara Duterte laban sa impeachment, sa pinaka-esensya, ay pagtatanggol sa burukrata-kapitalismo at sa buong nagnanaknak na sistemang malakolonyal at malapyudal. Lalo nitong pinaaalab ang hangarin ng bayan na wakasan ang naghaharing sistema na itinayo sa pundasyon ng korapsyon at pagpapakasasa sa yaman ng iilan. Labis nang nasusulasok ang umaalingasaw na baho ng bulok na naghaharing sistema.

Sa pagbasura sa impeachment, inuudyok ng rehimeng Marcos at lahat niyang alipures ang mga sektor at grupong dating tahimik at nasa gilid lamang, na magsalita at pumagitna sa paglaban ng sambayanan. Napukaw na magpahayag ang maraming taong-simbahan, abugado, mga guro, duktor, nars, maliliit na propesyunal at iba pa, upang isaad ang kanilang hinaing laban sa katiwalian at abuso sa kapangyarihan. Iugnayin at isanib ang kanilang tinig sa mas malakas na sigaw at pakikibaka ng mga batayan at demokratikong uri para sa nakabubuhay na sahod, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at singil sa serbisyo, tunay na reporma sa lupa, regular na trabaho, karapatan sa pangisdaan, libreng serbisyong pabahay, sapat na badyet sa edukasyon at iba pa.

Habang pinalalakas ang nagkakaisang tinig ng bayan para batikusin ang pagdiskaril sa paglilitis kay Sara Duterte, dapat paalingawngawin ang sigaw ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo―ang tatlong-ulong ulupong na lumilingkis at unti-unting pumapatay sa sambayanan.

Habang nagmamartsa sa lansangan upang ipahayag ang pinakamalakas na protesta, dapat bagtasin ang landas patungo sa kanayunan para palawakin at palakasin ang armadong paglaban ng Bagong Hukbong Bayan. Sa pamamagitan lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka, ganap na madudurog ang bulok na sistema at maitataguyod ang tunay na demokrasyang bayan.

Source link