PRWC » Gibo Teodoro: Pasistang asong ulol ng imperyalismong US

Sa Shangri-La Dialogue sa Singapore, namayagpag si Gilberto “Gibo” Teodoro Jr, kalihim sa depensa ng rehimeng Marcos, bilang tagapaglako ng pinakamasasahol at militaristang patakaran ng imperyalistang US. Dito, hinimok niya ang mga bansa na sumunod sa kumpas ng US at nagprisentang maging taga-koordina ng mga ito sa Asia. Animo’y asong ulol, agresibo niyang inatake ang mga kumakalaban sa US. Ang Shangri-La Dialogue na ginanap noong Mayo 29-31 ay taunang pagtitipon ng mga upisyal sa depensa sa Asia.

Sa pagtitipon, buong pagmamayabang na idineklara ni Teodoro ang Pilipinas bilang “Archipelagic Sentinel” at “tagapagtangol ng malayang karagatan.” Alinsunod ito sa estratehikong layunin ng US na gamitin bilang malaki at libreng forward operating base ang bansa sa pakikipaggirian nito sa China. Salalayan ng alok na ito ang National Defense Strategy ng US sa pagwawasiwas ng kapangyarihan militar na Amerikano o “peace through strength.” Ibinubugaw ni Teodoro ang mga base, pasilidad at engklabo ng Pilipinas hindi lamang sa US, kundi pati sa mga kaibigan nito, para gamiting lunsaran ng mga operasyong militar, lagakan ng opensibong mga armas, at pabrika para sa produksyong pandigma.

Mariing ipinagtanggol ni Teodoro ang US, pati na rin ang Japan, laban sa mga kritisismo ng hegemonismo sa Asia. Dinepensahan niya ang militarismo ng gubyerno ni Sanae Takaichi at ang kasaysayan ng brutal na pananakop ng Japan sa Asia, kabilang sa Pilipinas, noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinawag niyang “hindi makatarungan” at “maling pagbasa sa kasaysayan” ang mga pagsasariwa sa mga krimen sa digma ng imperyalistang Japan. Sa kabila ito ng malawak na pagtutol ng mamamayang Japanese sa pagbitaw sa mga probisyon sa konstitusyon at batas na nagbabawal sa Japan na makisangkot sa anumang gera.

Lalong itinali ni Teodoro ang Pilipinas sa estratehikong mga interes ng US. Pinirmahan niya, kasama ang kalihim ng Department of War ng US na si Pete Hegseth, ang 15-taong Communications Interoperability and Security Memorandum of Agreement noong Mayo 30. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, dalawa nang kasunduan sa “pagbabahaginan ng datos paniktik” na nagsisiwalat ng mga usaping internal at panseguridad ng Pilipinas sa mga dayuhang tropa ang kanyang pinirmahan. Siya rin ang nagtulak at pumirma sa apat na kasunduang militar na nagpahintulot sa libreng paglabas-masok ng mga dayuhang tropang alyado ng US sa bansa.

Puring-puri ng kriminal sa digma na si Hegseth si Teodoro na lubos na sumusuporta sa nais ng US na maglaan ang mga bansa sa Asia nang hanggang 3.5% ng mga gross domestic product o GDP nito (mahigit ₱1 trilyon, kung sa Pilipinas) para sa gastusing pandepensa. Para sa 2026, napataas na ni Teodoro ang badyet ng papet na AFP nang 12% kumpara sa 2025 o mula ₱378.9 bilyon tungong ₱423.7 bilyon. Dahil aminadong hindi makatutugon sa rekisitong badyet, iniaalok ng rehimeng Marcos ang libreng paggamit sa mga pasilidad, rekurso at lupa ng mga pwersang Amerikano. Ani Hegseth, dapat “tularan” ng iba ang Pilipinas sa usaping ito.

Sa loob ng bansa, nangungunang tagapagtaguyod ng militaristang doktrina si Teodoro laban sa mamamayan at kilusang kontra sa imperyalistang gera ng US, laluna sa mga pwersang pinamumunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas. Kakoro ng amo niya, itinuturing niyang “terorismo” ang armadong paglaban sa imperyalistang pandarambong at pagsasamantala. Pinupuri niya ang madugong kampanyang kontra-insurhensya na nagreresulta sa mga masaker at krimen sa digma. Kamakailan, pinuri at nakipiging pa siya sa mga mga tropa ng 79th IB na nasa likod ng masaker sa 19 indibidwal, kabilang ang dalawang menor-de-edad, sa Toboso, Negros Occidental. Tutol na tutol din siya sa anumang pakikipag-usapang pangkapayapaan sa rebolusyonaryong kilusan para lutasin ang ugat ng armadong sigalot.

Kinakatawan ni Teodoro ang pinakapapet at militaristang katangian ng reaksyunaryong estadong Pilipino. Una siyang nagsilbing kalihim sa depensa ng korap na rehimeng Arroyo. Bago maging kalihim ng korap ring rehimeng Marcos, nagsilbi siya sa board of directors ng dayuhang kumpanya sa pagmimina na Sagittarius Mines, Incorporated. Ang kumpanya ay kilala sa pang-aagaw ng lupa ng mga B’laan para sa Tampakan Copper-Gold Project at brutal na panunupil sa kanilang paglaban.

Galing siya sa pamilyang Cojuangco, isang pamilya ng mga berdugong panginoong maylupa at burukrata-kapitalista. Naging kongresista siya ng unang distrito ng Tarlac mula 1998 hanggang 2007. Nag-ambisyon siyang maging pangulo noong 2010 pero nabigo. Noong 2022, tinangka niyang makipag-alyansa kay Sara Duterte para gawin siyang bise-presidente nito. Pamangkin siya ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr, pangunahing kroni ng pasistang diktadura ni Marcos Sr, gayundin ng dating presidenteng Corazon Aquino, na bantog naman sa mga pagmasaker ng mga sakada at magsasaka.

Source link