Ang Bayan Ngayon » Mga Pulang mandirigmang tumutugon sa nasalanta sa Leyte, pinatay ng 93rd IB

Tatlong Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Leyte Island (Mt. Amandewin Command) ang pinatay ng mga sundalo ng 93rd IB sa Barangay Pange, Jaro, Leyte noong Nobyembre 17. Kinilala ang tatlo bilang sina Fidel Lagado (Ka Rod/Ka Jason), Maricel Anora (Ka Yenyen/Ka Gani) at Rogelio Berino (Ka Sonny/Ka Danny).

Ayon sa National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV), nasa komunidad ang tatlo BHB para tumulong sa pagbangon ng mga magsasaka mula sa salanta ng magkasunod na bagyong Tino at Uwan. Ang Leyte ay isa sa mga prubinsyang malubhang sinalanta ng dalawang bagyo.

“Hindi sila armado at dapat silang idinetine at itinuring bilang mga bilanggo ng digma alinsunod sa internasyunal na makataong batas,” ayon sa NDF-EV. Kinundena ng grupo si Brig. Gen. Pompeyo Jason, kumander ng 802nd IBde na kinabibilangan ng 93rd IB, dahil sa notoryus na tradisyon nito ng pagsasantabi at paglabag sa mga protokol ng digma.

Binatikos rin ng NDF-EV ang kasinungalingan ng 802nd IBde na nakumpiska mula sa mga Pulang mandirigma ang isang ripleng karbin, tatlong pistola, mga rifle grenade at mga dokumento. Kinundena rin in nito ang paninira ng brigada sa alaala at pangalan ng tatlong namartir na Pulang mandirigma.

“Inialay nina Ka Rod, Ka Yenyen, at Ka Sonny ang kanilang buhay para sa paglaya ng masang naghihirap,” pahayag ng grupo.

Source link