PRWC » Manggagawa ng daigdig, magkaisa! Tumayo sa unahan ng pakikibaka ng mamamayan! Isulong ang digmang bayan laban sa imperyalistang gera at krisis!

Sa ika-137 Pandaigdigang Araw ng mga Manggagawa, pinagpupugayan ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU) ang mga manggagawang Pilipino at lahat ng mga manggagawa sa buong mundo. Ginugunita natin ang araw na ito bilang pagpupugay sa mga magigiting na manggagawang nag-aklas at nagbuwis ng buhay sa Chicago City upang ipaglaban ang makataong kondisyon sa pagtatrabaho at ipagtagumpay ang 8-oras na paggawa.

Sa Pilipinas, unang ipinagdiwang ang Araw ng mga Manggagawa noong May 1, 1903 sa pangunguna ng Union Obrera Democratica de Filipinas. Nagmartsa ang mahigit 100,000 manggagawa upang manawagan ng paglaya mula sa pangongolonya ng imperyalismong US at mga demokratikong karapatan ng mga manggagawa. Kaya naman ngayong araw, marapat lamang na gunitain natin ang lahat ng mga bayani at martir na nag-alay ng kanilang buhay para wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistema ng monopolyong kapitalismo at magtayo ng sosyalistang lipunan. Pagpugayan din natin ang mga manggagawa at rebolusyonaryo na patuloy na nakikibaka para sa ating rebolusyonaryong adhikain.

Sa harap ng tumitinding krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, tumitindi ang mga sigalot sa pulitika, pinansya, ekonomiya, kalakalan at militar sa pagitan ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US na naggigiit ng kanyang hegemonya sa buong daigdig. Ngayong taon lamang, inilunsad nito ang gerang agresyon sa Venezuela at Iran para agawin at kontrolin ang kalakaran sa langis at mga estratehikong mineral. Bahagi ito ng kanyang desperadong hakbangin para muling buhayin ang kanyang bumabagsak na kapitalistang produksyon.

Buhat nito, labis ang pagdurusa ng mga manggagawa at mamamayan sa buong daigdig. Nasa panganib ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan sa Middle East gayundin ang manggagawang Pilipino na nagtatrabaho roon. Sumirit ang presyo ng langis sa kalakhan ng mga bansa kabilang ang Pilipinas na pangunahing nakaasa sa imported na langis. Ang pagtaas ng presyo ng langis ay nangangahulugan ng pagtaas ng presyo ng bilihin, utilities, transportasyon at iba pang gastusin. Dagdag pa rito, kinakaharap din ang malawakang disempleyo, mababang sahod at pagwasak sa kabuhayan at iba pang mga anyo ng pagpapahirap at pang-aapi. Sa ganitong kalagayan, lalong dumadausdos ang antas ng pamumuhay ng bilyun-bilyong mamamayan sa buong daigdig habang patuloy na nagkakamal ng yaman ang naghaharing uri.

Sa Pilipinas, ang dating mababang sahod nating mga manggagawa ay lalo pang bumaba ang halaga dahil sa tumataas na gastos sa pamumuhay. Paparami ang nafo-floating, pinapatawan ng forced leave at pinagtatrabaho nang overtime nang walang bayad dahil kinakailangang magtipid diumano ng mga kapitalista huwag lang mabawasan ang kanilang kita. May mga empresang nag-shift sa work from home setup para diumano makatipid ang mga manggagawa dahil hindi na kailangang mamasahe. Ngunit wala namang karampatang dagdag sahod o allowance para sa dagdag gastusin sa utilities. Kaya ang totoong nakakatipid sa pasahod at gastos sa produksyon ay ang mga kapitalista. Kasabwat ng mga kapitalista ang rehimeng Marcos na nagbingi-bingihan pa rin sa panawagan nating mga manggagawa para sa nakabubuhay na minimum na sahod na ₱1,200 kada araw sa buong bansa. Tinutulak din nito ang iba’t ibang iskema ng pleksibleng paggawa at hinahayaan ang mga kapitalista na pagsamantalahan ang mga manggagawa.

Dumarami rin lalo ang nawawalan ng trabaho dahil sa patuloy na pagbasak ng produksyon at kawalan ng pambansang industriya. Sa nakalipas lamang na 2 taon ay umabot na sa halos isang milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho at inaasahang lolobo pa ngayong taon. Patuloy ding lumalaganap ang kontraktwalisasyon na nagdudulot ng kawalan ng kaseguruhan sa trabaho, benepisyo at mga karapatan. Kaya naman mabilis na lumolobo ang bilang ng reserbang lakas-paggawa na nagiging tuntungan ng mga kapitalista upang baratin ang sahod ng mga manggagawa at atakehin ang karapatan na mag-organisa at magtayo ng mga unyon.

Paparami rin ang mga Pilipino na napipilitang mangibang bansa upang magtrabaho. Sa nakalipas na taon, umabot sa halos 2.5 milyong Pilipino ang lumabas ng bansa, katumbas ito ng 6,000 hanggang 8,000 Pilipino ang lumalabas kada araw. Sa nakalipas na taon, ang mga migranteng manggagawa ang nagpasok ng $35.5 bilyong remittances o katumbas ng 9.41% ng kabuuang kita ng bansa.

Sa limang dekadang ipinapatupad ng rehimen ang labor-export policy, patuloy silang ibinebenta sa murang halaga. Mahigit dalawang dekada nang ipinako sa $400 ang minimum na kontrata at pakitang-taong nagtaas patungong $500, malayo sa nakabubuhay na sahod sa ibang bansa at para mabuhay ang pamilya sa Pilipinas. Binenta na nga sa mga dayuhan sa murang halaga at binarat ang sahod, hindi pa tinitiyak ng rehimen na makuha ng mga migranteng manggagawa ang nararapat na sahod sa kani-kanilang mga employer. Sa kabila ng malaking iniaambag sa ekonomiya ng bansa, kulang na kulang ang proteksyon sa kanila laban sa pang-aabuso at pagsasamantala. Sa halip din na tiyakin ang kaligtasan ng mga migranteng Pilipino na naiipit sa gera sa Middle East, mas inaalala pa ng rehimen ang malaking mababawas na remittances kung maramihang bumalik sa Pilipinas ang mga ito. Wala rin itong alternative na programa sa mga migranteng manggagawa at hindi tinitiyak ang kabuhayan pagbalik sa bansa. Kaya hindi nakapagtataka na mas pinipili pa rin ng mga migranteng Pilipino na makipagsapalaran sa Middle East, malagay sa panganib ang buhay kaysa umuwi sa Pilipinas na walang tiyak na trabahong mapapasukan at walang nakabubuhay na sahod.

Daan-daang libong mga driver at konduktor naman ng mga pampublikong transportasyon gaya ng jeepney, bus at TNVS ang nasa bingit din na mawalan ng kabuhayan at halos wala nang kinikita dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Walang tugon ang rehimeng Marcos sa panawagang kontrolin at i-rollback ang presyo ng langis, at sa katunayan ay patuloy pa na nakikipagsabwatan sa mga kumpanya ng langis. Bingi-bingihan din ito sa panawagang tanggalin ang VAT at excise tax sa langis na napupunta lang naman sa bulsa nilang mga kurakot. Ito sana ang kagyat na magbibigay ng luwag at magtitiyak ng kita sa mga driver at konduktor. Gayundin, malaking alwan din ito para sa mga manininda at consumers na umaaray sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng bilihin, pamasahe at mga utilities.

Sa tangkang pahupain ang galit ng mamamayan, namudmod ito ng ilanlibong pisong ayuda ngunit kabaliktaran ang naging resulta. Lalo lamang nagalit ang mamamayan dahil panandalian lamang ang ayuda na ito, iilan lamang ang makikinabang, at malaking bahagi pa ng inilaan na budget ay sa malamang kukurakutin kagaya ng iba pa nitong mga iskema.

Sa halip na tugunan ang hinaing ng mga manggagawa at mamamayan, terorismo at pasismo ang sagot ng rehimeng Marcos. Nagsasabwatan ang malalaking kapitalista, mga militar at iba’t ibang ahensya ng estado sa pangunguna ng NTF-ELCAC para supilin ang mga manggagawa at mamamayan. Daan-daan ang biktima ng harassment, redtagging, extrajudicial killings, pagdukot, pagsasampa ng gawa-gawang kaso at pagkukulong, at iba pang mga anyo ng paglabag sa karapatang-tao. Sa bawat pagsusubok na magtayo ng unyon at paglulunsad ng mga pagkilos para sa umento sahod at karapatan ng mga manggagawa, pananakot at pagtatanggal sa trabaho ang ganti ng mga kapitalista kasabwat ang NTF-ELCAC. Nagpataw ito ng mga batas na sumasagka sa mga manggagawa na mag-organisa at magtayo ng unyon, laluna sa mga kontraktwal na ipinapaloob sa mga labor agencies. Nagtakda rin ang rehimen ng napakaraming rekisitos at patakaran na pabor sa mga kapitalista para pahinain ang welga na siyang sandata ng mga manggagawa. Kabilang dito ang pagtatakda bilang rekisito sa welga ang pagsasampa ng notice of strike bago magkasa ng welga, pagpapataw ng assumption of jurisdiction at iba pa.

Sa halip na kundenahin ng rehimeng Marcos ang gerang agresyon ng US, patuloy ang pagpapakatuta nito sa usaping pang-ekonomiya, pampulitika at militar. Kapalit ng dayuhang pautang at pagkamal ng malaking yaman, hinahayaan nito ang US na magtayo ng mga base militar, magpasok ng mga kagamitang pandigma, at maglunsad ng Balikatan exercises sa bansa. Nagpwesto rin ito ng mga barkong pandigma sa West Philippine Sea at pumirma sa mga kasunduang militar sa mga alyado ng US. Tiyak na sa pagsiklab ng iba pang gerang agresyon ng US ay makakaladkad ang Pilipinas at maiipit din sa gera ang mamamayang Pilipino.

Sa harap ng tumitinding krisis, lalong nalalantad ang atrasadong kalagayan ng ekonomiya ng bansa na pangunahing nakasandig sa dayuhang importasyon at pautang. Lalong nalalantad ang pagpapakatuta ni Marcos na mas piniling makipagsabwatan sa imperyalistang US, mga burukrata-kapitalista at mga kartel ng langis sa halip na tugunan ang hinaing ng taumbayan. Kaya naman, wala tayong aasahan sa papet, pahirap, korap at pasistang rehimeng US-Marcos. Bilang pinakaabanteng uri sa lipunang Pilipino, hinihingi ng kasalukuyang kalagayan na dapat tanganan nating mga manggagawa ang pangkasaysayang tungkulin na mamuno sa pambansa demokratikong rebolusyon para sa pambansa at panlipunang pagbabago at paglaya mula sa pang-aapi at pagsasamantala.

Kailangang organisahin ang pinakamaraming mga manggagawa lalo na ang mga kontraktwal para maramihang itayo, palakasin at palawakin ang mga tunay, militante at anti-imperyalistang mga unyon na magsusulong ng mga pakikibakang anti-imperyalista, anti-pyudal at anti-pasista. Kailangang igpawan ang mga ligalistang depinisyon sa labor code sa kung sino lamang ang maaaring maging kasapi ng mga unyon. Dapat ituring na unyon ang lahat ng nabuo o mabubuong organisasyon ng mga manggagawa, ito man ay kinikilala na ng kapitalista bilang recognized bargaining agent (RBA), nasa proseso palang na ipinaglalaban na maging RBA, o mga pre-union formations pa lamang (i.e. samahan, asosasyan, balangay). Dapat ipaloob sa mga unyon ang lahat ng mga manggagawa na nasa loob ng isang pagawaan, regular man o kontraktwal. Ang lakas ng unyon ang magtutulak sa kapitalista na kilalanin bilang RBA ang mga itinatayong unyon at bahagi nito ang mga kasaping kontraktwal. Sa ganito rin maiigpawan ang pagliit ng mga nakatayong unyon na nakabase lamang sa mga regular na manggagawa.

Dahil sa higpit ng kalagayan sa mga pagawaan, kailangang pakilusin ang mga kasapi ng unyon na mag-organisa rin ng mga kapwa manggagawa sa mga inuuwiang komunidad. Buuin ang mga pangkat propaganda-organisador para maglunsad ng mga talakayan at pasimulan ang mga gawaing pangkomunidad. Magagamit ang pagkakaton na ito para makakaugnay pa tayo sa mas maraming mga manggagawa na mula sa iba’t ibang mga empresa at mas maluwag silang matitipon para unti-unting buuin ang mga binhi sa pagtatayo o pagtatransporma ng mga unyon sa kanilang mga pinapasukang empresa.

Maliban sa mga manggagawa, maoorganisa rin sa komunidad ang mga maralitang lungsod, kabataan, at kababaihan, at mata-transporma ang mga nakatindig na tradisyunal na organisasyon sa komunidad. Sa ganito, magagamapanan natin ang mahalagang tungkulin na pagkaisahin at organisahin hindi lang ang mga manggagawa kundi ang iba pang aping sektor para buuin ang gulugod ng kilusang masa sa kalunsuran. Kalaunan ay maitatayo rin ang mga konseho ng manggagawa at mamamayan sa antas empresa at mga komunidad.

Dapat isulong ang mga pakikibakang pang-unyon at pang-ekonomiya para ipaglaban ang umento sa sahod tungong ₱1,200 nakabubuhay na sahod at panunumbalik ng pambansang minimum na sahod; paglaban sa kontraktwalisasyon at pleksibleng paggawa; paggigiit ng karapatan sa pag-uunyon; at para ipagtanggol ang demokratikong interes at kagalingan ng mga manggagawa laban sa pagsasamantala. Paramihin pa ang mga unyon na naglulunsad ng mga protesta at welga bilang sandata ng paglaban.

Pamunuan at mahigpit din na makipagkaisa sa mga pambansang pakikibaka laban sa pagtaas ng presyo ng langis at bilihin, pangangamkam ng mga lupain ng mga magsasaka, pagwasak sa kabuhayan at kabahayan ng mga maralitang-lungsod, korapsyon at pasismo ng naghaharing rehimen, at higit sa lahat laban sa pagpapakatuta ng rehimeng Marcos sa imperyalistang US na walang humpay na naglulunsad ng gerang agresyon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Dapat ilunsad at palaganapin sa buong bansa ang mga kilusang protesta na papalaki, papalawak at papaigting tungong kilusang welga ng mga manggagawa at welgang bayan para yanigin ang naghaharing rehimen at mga kapitalista. Sa ganito natin mababaka ang nanuot na ekonomismo, repormismo, NGOismo at sektoralismo sa ating hanay.

Sa kurso ng pagsusulong ng mga kampanya at pakikibakang masa, isagawa ang lahat ng porma ng propaganda at pag-aaral sa mga pagawaan at komunidad. Pakilusin ang lahat ng mga kasapi para ipalaganap ang ating mga pagsusuri sa mga isyung kinakaharap at maihapag ang alternatibong programa ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Kailangan ding malawakang ituro at palaganapin ang pag-aaral sa Marxismo-Leninismo-Maoismo bilang pang-ideolohiyang sandata ng manggagawa at mamamayan sa paglaban.

Paramihin ang mga sangay ng Partido sa mga empresa upang paramihin at palakasin ang mga rebolusyonaryong unyon na mangunguna sa pagmumulat sa mga manggagawa at mamamayan na ang pinakasolusyon sa paghihirap at pagdurusa ng bayan ay ang pagwawakas ng malakolonyal at malapyudal na sistema sa pamamagitan ng armadong pakikibaka upang ibagsak ang naghaharing uri at maitayo ang sosyalistang lipunan. Dapat puspusang isagawa ang kilusang pagwawasto upang ituwid ang mga naging kahinaan at pagkakamali sa nakaraan.

Tipunin din ang mga abanteng manggagawa sa mga balangay ng Pulang Brigada ng mga Manggagawa (PBM) sa bawat departamento o linya ng trabaho sa mga empresa, sa mga shift, at/o sa mga komite ng unyon. Maaari ring itayo ang mga balangay ng PBM sa mga unyon o organisasyon ng manggagawa na nakabase sa komunidad. Ang sangay katuwang ang mga balangay ng PBM ang bubuo sa Revolutionary Council sa loob ng pagawaan na magsusulong ng rebolusyonaryong propaganda at pag-aaral at pagsuporta sa armadong pakikibaka. Ang paparaming Revolutionary Councils ang bumubuo sa pambansang pormasyon ng Revolutionary Council of Trade Unions.

Makipagkapit-bisig tayo sa mga mala-manggagawa, mga kawani at manggagawa sa pampublikong sektor, mga migranteng manggagawa, mga magsasaka, mga kabataan at propesyunal, at iba pang demokratikong sektor sa pagsusulong ng kanilang mga demokratikong karapatan at sa pagpapabagsak sa papet, pahirap, korap at pasistang rehimeng US-Marcos. Kailangang mahigpit din tayong makipagkaisa sa mga kapwa manggagawa at mamamayan ng daigdig na kagaya natin ay inaapi at pinagsasamantalahan din ng imperyalismong US. Naghahangad din sila ng tunay na kalayaan at karapatan sa pambansang pagpapasya.

Sa harap ng tumitinding gerang agresyon ng imperyalismong US at nagbabadyang imperyalistang digmaan, buo ang determinasyon ng RCTU kasama ang mga manggagawa Pilipino na tanganan ang makasaysayang tungkulin nito na pamunuan ang pambansa demokratikong rebolusyon at ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na pangunahing dahilan ng paghihirap ng sambayanan.

Nananawagan kami sa lahat ng manggagawa, lalo na ang mga kabataang manggagawa, na laksa-laksang tumungo sa kanayunan at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan upang iabante ang digmang bayan, baha-bahaging durugin ang reaksyunaryong rehimeng Marcos mula sa kanayunan patungong kalunsuran, at antas-antas na itayo ang demokratikong gubyernong bayan. Ang pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas ang pinakamalaking maiaambag ng proletaryong Pilipino sa pandaigdigang pakikibaka para wakasan ang imperyalismo at hawanin ang landas tungo sa sosyalistang lipunan na malaya sa pagsasamantala at pang-aapi.

Mabuhay ang uring manggagawa at sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang RCTU!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!

Manggagawang Pilipino, wakasan ang rehimeng Marcos!
Ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo!
Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba!

Source link