Ibinasura ng Kasibu Municipal Trial Court (MTC) noong Hunyo 24 ang isinampang kasong Forcible Entry with Temporary Restraining Order, Writ of Preliminary Injunction at Writ of Preliminary Mandatory Injuction ni Rosario Cama, nagpapakilalang lider katutubo ng tribong Bugkalot/Ilongot laban kina Bishop Jose Elmer Mangalinao, Fr. Christian Dumangeng. Pito pang indibidwal ang kasama sa kaso dahil sa pagbibigay nila Noong suporta sa barikada kontra sa North Luzon Mining Corporation (NLMRC).
Kasabay ng pagdinig sa kaso noong Hunyo 23, daan-daang residente ng Kasibu, Nueva Viscaya, mga taong simbahan, katutubo at tagapagtanggol ng kalikasan ang nagmartsa mula sa St. Patrick of Ireland, isang lugar sa Kasibu, upang ipakita ang kanilang pagkundena sa gawa-gawang kaso at pagsuporta sa mga kinasuhan. Bago nito, nagdaos muna sila ng isang misa.
Ang isinampang kaso sa mga taong simbahan at tagapagtanggol ng kalikasan ay hinggil sa itinayong barikada ng mga komunidad laban sa planong eksplorasyon ng NLMRC na nagsimula noong Enero 2026 sa kabila ng kawalan ng konsultasyon sa komunidad.
Noong Mayo, nagtayo ng barikada ang mag residente upang harangin ang pagasok ng suplay ng gasolina, kagamitan, at mga mineral sample. Nagpahayag sila ng pangamba hinggil sa posibleng epekto ng proyekto sa mga imbakan ng tubig, lupang ninuno, at kabuhayan ng mamamayan.
Giit ng mga myembro ng komunidad na karapatan nilang magtayo at ipagpatuloy ang pagbabarikada dahil pagmamay-ari nila ang lupang kinatitirikan nito.
“Karamihan po ng mga trabaho (sa amin) ay agrikultural, kaya ayaw po namin sa mining. Lahat ng binungkal nilang lupa, sira na po ngayon.” pahayag ni Leijin Dugay, lider ng komunidad, Bugkalot at isa sa mga sinampahan ng kaso.
Ayon sa Alyansa ng Novo Viscayano para sa Kalikasan, ang sinampang kaso ay malinaw na taktika ng kumpanya sa mina upang maghasik ng hidwaan at alitan sa loob mismo ng komunidad at pahinain ang kanilang pakikibaka para sa kalikasan at kabuhayan. Bukod sa mga kaso, kumakaharap din ng mga miyembro ng komunidad ng pananakot at panggigipit, kabilang ang presensya ng militar at mga ahente ng intelihensiya sa mga barikada at mga pampublikong pasilidad.











