Malaking insulto sa mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) ang ₱85 dagdag sa arawang sahod na inianunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ngayong Hunyo 30, ayon sa Kilusang Mayo Uno (KMU). Ang naturang dagdag sahod ay ipinagmamalaki ng DOLE bilang “makasaysayang pagtaas” sa rehiyon na inaprubahan ng NCR Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Unang ipatutupad ang ₱60/araw dagdag sahod sa Hulyo 19, habang ang dagdag na ₱25 ay sa Enero 2027 pa. Itataas nito ang kasalukyang sahod sa rehiyon na ₱695/araw tungong ₱780/araw. Samantala, ang sahod ng mga nasa sektor ng agrikultura, serbisyo at mga negosyo sa pagtitingi na mayroong 15 o mas kaunti pang manggagawa, at mga kumpanya sa pagmamanupaktura na may 10 manggagawa pababa ay magiging ₱743/araw mula sa kasalukyang ₱658/araw.
Ayon sa KMU-NCR, ang dagdag sahod ay “barya-barya” laluna at malayung-malayo ito sa tunay na halaga ng disenteng pamumuhay. “Ang ₱85 ay hindi sasapat para tapatan ang ₱1,200 Family Living Wage na kailangan ng isang pamilyang may limang myembro upang mabuhay nang may dangal araw-araw,” pahayag ng grupo.
Sa harap ng napakabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pamasahe, kuryente, at tubig ay agad ring maglalaho ang karampot na dagdag sahod anang grupo. “Hindi limos, kundi hustisyang pang-ekonomya ang hiling ng mga manggagawa,” anito.
Para sa pambansang pamunuan ng KMU, napakaliit at tingi-tingi na nga ang dagdag sahod ay tanging sa NCR lamang ito ipatutupad na lubhang limitado ang saklaw. Sa datos mismo ng DOLE, 1.1 milyong manggagawang Pilipino lamang na kumikita ng arawan ang “makikinabang” sa dagdag sahod.
“[H]igit na maliit ang saklaw nitong sa NCR lamang, habang milyun-milyong manggagawa sa buong bansa ang apektado ng krisis na hindi tinutugunan ng gubyerno,” ayon kay Mary Ane Castillo, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Paliwanag pa ni Castillo, hindi rin dapat ipagmalaki ni DOLE Sec. Francis Tolentino na “makasaysayan” ang pagtaas ng sahod dahil hindi naman ito kusang loob na ibinigay ng ahensya. “Ibinunga ito ng malakas na pagkilos ng manggagawa at mamamayang Pilipino,” aniya.
Nanawagan ang pambansang pamunuan ng KMU sa manggagawang Pilipino na ipagpatuloy at palakasin pa ang pakikibaka hanggang makamtan ang makatwirang kahingian ng sektor. “Tuloy ang laban hanggang makamtan ng lahat ng manggagawa, anumang industriya, regular man o kontraktwal, sa pribado man o publiko ang nakabubuhay na sahod—₱1200 nationwide!”
Kaugnay nito, muli ring nanawagan ang KMU-NCR na buwagin ang mga regional wage board na nagpapanatili ng mababang pasahod. Ang mga regional wage board ay binuo sa ilalim ng Wage Rationalization Act (Republic Act No. 6727) ng rehimeng US-Aquino I.











