Kawalan ng kinatawan ng migrante sa porum ng IOM, kinundena ng mga Pilipino sa US

Nagprotesta sa labas ng gusali ng United Nations sa New York City ang mga myembro ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Gabriela, Anakbayan, Migrante, Tanggol Migrante Movement (TMM), Malaya Movement at ICHRP noong Setyembre 25 upang kundenahin ang porum ng International Organization for Migration (IOM) sa ika-80 sesyon sa United Nations General Assembly (UNGA) dahil sa kawalan nito ng kinatawan mula sa sektor ng mga migrante.

Ang porum ng IOM ay ginanap noong Setyembre 22 at nilahukan ng Pilipinas, Somalia, Belgium, Great Britain at Northern Ireland.

Ang IOM, na itinatag noong 1951, ay isang organisasyon ng mga bansa sa loob ng UN na kunwa’y nagsusulong ng karapatan at kagalingan ng mga migrante. Sa IOM nagtitipon ang mga myembrong estado ng UN at mga organisasyon kada apat na taon upang talakayin ang mga layunin ng Global Compact on Migration (GCM). Ang GCM, na pinirmahan noong 2018, ay isang neoliberal na balangkas hinggil sa migrasyon at nangangasiwa sa kabuuang sistema ng sapilitang migrasyon para sa pagsasamantala sa paggawa.

Kabilang sa dumalo sa aktibidad ay mga upisyal ng Pilipinas na sina Ma. Theresa Lazaro, kalihim ng Department of Foreign Affairs, at Hans Cacdac, kalihim ng Department of Migrant Workers.

“Sino ang nasa mga pulong na ito? Sila ba ay mga migrante? Hindi. Sila ay mga upisyal ng gubyerno na hindi alam kung ano ang kinakaharap ng mag migrante,” pahayag ni Dominik de Jesus ng Migrante USA.

“Ang daming kinakaharap na pagdurusa ng mga manggagawang migrante, kabilang dito ang kawalan ng medikal na atensyon, kaso ng pagdukot at deportasyon sa mga manggagawa sa barko ng walang tamang proseso. Sa kabila nito, tinutulak pa rin ang mga migrante na mangibang bansa dahil sa kawalan ng trabaho sa Pilipinas,” dagdag ni de Jesus.

Ayon sa International Migrants Alliance (IMA), hindi kinakatawan ng mga migrante ang porum na IOM. Hindi pwedeng pag-usapan ang usapin ng mga migrante nang wala ang mga migrante.

Dagdag dito, ang layunin ng GCM ay gawing “ligtas, maayos at regular ang migrasyon” na naglilikha ng mga mekanismo na lalong nagtutulak sa mga migrante na iwan ang kanilang bansa.

Kasabay ng aktibidad, nagprotesta sa tapat ng konsulado ng Pilipinas sa New York ang mga grupong Bayan-USA, Bayan Northeast at TMM para ipahayag ang kanilang pagkundena sa nangyayaring korapsyon sa Pilipinas at ilantad ang pag-iwas ng konsulado na harapin ang mga migranteng Pilipino.

Nanawagan din ng ang mga organisasyon kina Lazaro at Cacdac na harapin nila sa isang dayalogo ang komunidad ng mga Pilipinong migrante sa US. Kaulad ng mga konsulado ng Pilipinas sa US, patuloy silang nagbibingi-bingihan sa hinaing ng mga Pilipinong migrante.

Source link