Isang taas-kamaong pagpupugay ang iginagawad ng Kabataang Makabayan Timog Katagalugan sa lahat ng estudyante’t kabataan sa matagumpay na pagkilos nitong Oktubre 17, 2025 sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon na dinaluhan ng mahigit limang daang katao mula sa iba’t ibang paaralan at organisasyon. Patunay ito na hindi magpapatinag ang mga estudyante’t kabataan higit lalo ngayon sa pagtindi ng krisis sa bansa.
Apatnapu’t walong (48) araw simula noong unang paglilitis hinggil sa mga proyektong pambaha ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nakukulong o napapanagot kahit marami na ang napangalanan. Samantala mahigit 200 ang marahas na inaresto at dinetina ng pulisya noong protesta sa Mendiola noong nakaraang Setyembre 21. Mas nailantad nito sa mamamayan na hindi kailan man papanig sa sambayanan ang hustisya hangga’t nananatiling mga burukrata-kapitalista at kanilang mga kroni ang nagpapatakbo ng estado.
Bagama’t kontrolado nila ang bawat ahensya at departamento, hindi nila mapipigilan ang galit at uhaw ng bayang pinagkaitan ng hustisya. Ngayon na kaliwa’t kanang mga sakunang nararanasan ng bansa, hindi na nila magagawang panakip-butas ang katatagan ng mga Pilipino dahil sa bawat baha dulot ng ulan o tulay at gusaling gumuho dahil sa lindol ay matingkad na kurapsyon at kapabayaan ng gobyerno ang nasa likod nito. Imbis na ang pera ng taumbayan ay magamit sa serbisyong panlipunan tulad ng mga proyektong pambaha, matitibay na gusali, mga hospital at eskwelahan ay napupunta ito sa bulsa ng mga pulitiko para sa mga luho at kapritso nila. Samantalahin ang bitak sa pagitan ng rehimeng Marcos-Duterte, habang sila ay naglalaglagan upang isalba ang mga sarili ay mas paigtingin ang pagsisiwalat sa kanilang mga katiwalian.
Tuloy-tuloy na ilantad ang kabulukan ng sistema na nagpapahirap sa sambayanang Pilipino. Sa bawat kabataang mamumulat at maoorganisa ay dagdag sa pwersa para sa rebolusyon kaya’t hamon sa mga kabataan na mas makapagpalawak at mas magpakapal ng hanay. Tumungo sa mga eskwelahan, sa lansangan, sa pabrika, at sa kanayunan upang mag-organisa at magpakilos.
Ating makakamit ang tagumpay ng rebolusyon sa sama-samang pakikilahok ng lahat ng mamamayang inaapi kaya naman ay mas pasidhiin ang diwang mapanlaban ng sambayanan at itransporma ang galit tungo sa rebolusyunaryong landas.
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!











