PRWC » Isabuhay ang diwa ng pag-aalsang Balangiga, mag-organisa at magrebolusyon para sa lipunang pagbabago!

Ginugunita ngayon ng mga rebolusyonaryong pwersa at ng mamamayan ng Eastern Visayas ang ika-124 na anibersaryo ng pag-aalsang Balangiga, ang popular na pag-aalsang bayan kung saan nagapi ng mga Pilipino ang isang buong kumpanya ng mananakop na tropang Amerikano. Sa araw ding ito, muling pinagtitibay ng mamamayang Waraynon at buong sambayanang Pilipino ang kapasyahang organisahin ang kanilang hanay at isulong ang digmang bayan para kamtin ang tunay na hustisyang panlipunan at pagbabago para sa buong bayan.

Sa taong 1901, nagsama-sama ang humigit-kumulang 500 magsasaka mula sa mga bayang sakop na ngayon ng Lawaan, Giporlos at Balangiga, Eastern Samar, upang salakayin ang Company C ng 9th US Infantry Regiment. Ang pag-atakeng ito, na itinaon sa pista ng Balangiga, ay pagtatanggol sa sarili ng mga Balangigan-on at paghiganti sa pang-aabuso ng mga tropang pinamumunuan ni Capt. Thomas Connell. Masusi nilang pinlano ang pagpasok at pagpusisyon ng karagdagang tauhan, pagpuslit ng armas, paglalasing sa mga Amerikano isang araw bago ang pag-atake, at sikretong pagpapaatraas sa kababaihan at kabataan na hindi lalahok sa labanan. Lahat ng kanilang paghahanda ay absolutong nailingid sa mga nagulantang na mananakop.

Umaga ng Septyembre 28, sa hudyat ng sigaw ng lokal na hepe ng kapulisan na si Valeriano Abanador, nilusob ng mga Pilipino ang mga sundalong Amerikanong nasa plaza. Sa tunog ng mga budyong at ng mga kampana ng Balangiga, sumalakay na rin ang mga kasama nilang sikretong nakakubli sa kakahuyan sa palibot ng bayan. Idinulot ng pag-aalsang Balangiga ang isa sa mga pinakamalaking pagkatalo ng militar ng US sa kasaysayan. Sa labis na kahihiyan, ginawang “howling wilderness” ng imperyalismong US ang Samar kung saan minasaker nila ang 15,000 Samarnon.

Lalong kailangang isabuhay ang maningning na halimbawa ng Balangiga sa panahong nililigalig ang lipunang Pilipino ng walang kapantay na krisis. Ginugunita ngayon ang makasaysayang pag-aalsang Balangiga na sinalanta pa lamang ang mamamayan ng Eastern Visayas bagyong Opong. Ang dati nang malawakang kahirapan at kagutuman nila ay lalo pang pinatitindi ng sunud-sunod na kalamidad, climate change bunsod ng pagkasira sa kalikasan, at korapsyon sa gubyerno tulad ng sa mga proyektong flood control.

Ang ganitong kalagayan ang nagtulak sa daan-daang libong Pilipinong sama-samang magkilos-protesta noong nakaraang linggo, Setyembre 21, sa anibersaryo ng pagdeklara ng batas militar ni Marcos Sr. Matapang nilang binaha ang kakalsadahan upang ipahayag ang disgusto sa korapsyon ng rehimeng US-Marcos Jr at igiit ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot dito. Sa pangunguna ng mga estudyante at kabataan, hindi sila nagpatinag sa pananakot, pagbabanta at pandarahas ng mga armadong pwersa ng estado sa aktibismo at militanteng pagkilos. Ipinamalas nila na sawang-sawa na ang taumbayan sa kabulukan ng naghaharing sistema at nais na nilang baguhin ito.

Saksi ang bayan ng Balangiga sa susing aral ng kasaysayan: marahas ang naghaharing uri dahil nais nilang panatilihin ang pagsasamantala at pang-aapi nila sa mamamayan. Dahil hindi nila kusang isusuko ang kanilang kapangyarihan, kailangang sama-samang kumilos ng mamamayan at tanganan ang dahas upang ipagtanggol ang sarili at ganap na baguhin ang sistema.

Sa harap ng pag-igting ng mga paborableng kundisyon para sa pagsusulong ng rebolusyon, nananawagan ang NDF-EV sa mamamayan na lalong mangahas, palakasin at palawakin pa ang kanilang mga rebolusyonaryong organisasyon, at matapang na isulong ang digmang bayan. Sa ganitong paraan lamang makakamit ang tunay na pagbabagong inaasam nila.

Hinihikayat namin laluna ang kabataan na tumungo sa kanayunan upang makita sa kongkreto ang kawastuhan ng pagrerebolusyon, kung paano paunti-unting binubuo ng mamamayan ang tunay na gubyernong bayan, at paano nag-iipon ng lakas ang Bagong Hukbong Bayan para lubos na mawasak ang bulok na sistema.

Source link