Nagpiket ang mga maralitang-lunsod at ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Quezon City noong Setyembre 24 para gunitain ang ika-15 anibersaryo ng magiting na barikadang bayan kontra demolisyon ng Sityo San Roque, Barangay Bagong Pag-asa noong 2010. Taun-taon nila itong ginugunita dahil sagisag ang barikada ng kanilang paninindigan para sa disente, abot-kaya at pangmasang paninirahan.
Matapang na hinarap ng komunidad ng San Roque noong 2010 ang mga buldoser, mga tauhan ng National Housing Authority (NHA) at lokal na gubyerno ng Quezon City para ipagtanggol ang kanilang tirahan. Binigo ng kanilang pagkakaisa ang karahasan ng mga pulis na binuwag ang barikada, nambomba ng tubig at nagbanta ng pamamaril. Pitong residente ang noo’y nasugatan habang dalawa ang inaresto.
Aktibo silang lumaban sa pamamagitan ng pambabato laban sa mga pulis at tauhan ng NHA para depensahan ang kanilang mga bahay. Inaagaw ang lupa ng komunidad ng mga burgesyang komprador na pamilyang Ayala at si Enrique Razon para kanilang negosyo.
“Para sa mga taga-San Roque, ang barikada ay sandata ng mga maralita, isang anyo ng paglaban laban sa sistemang pilit silang tinatanggalan ng mga karapatan,” pahayag ng Kadamay. Anang grupo, nananatiling buhay hanggang ngayon ang parehong banta sa mga maralita.
Ayon sa grupo, matingkad ito sa lantarang korapsyon ng gubyerno, mararahas na demolisyon sa ngalan ng huwad na “kaunlaran,” at pamamaslang at panunupil laban sa nagtatanggol ng karapatan. “Habang patuloy na yumayaman ang mga ganid na Ayala at kasabwat na pulitiko, lalong ibinabaon sa kahirapan ang maralita sa mababang sahod, mataas na presyo ng bilihin, paulit-ulit na pagbaha, at pagpapalayas mula sa kanilang mga tahanan,” ayon sa Kadamay.
Anang grupo, lahat ng mga ito ay produkto ng bulok na sistemang pinatatakbo ng burukrata kapitalismo, ang pagyaman ng iilang nasa kapangyarihan kapalit ng pawis, dugo at tahanan ng mamamayan.
“Ipinapakita ng ating kasaysayan ng paglaban na hindi sapat ang palitan lamang ng mga lider o administrasyon. Ang tunay na kalayaan at katarungan ay makakamtan lamang sa pagbabago ng bulok na sistema, isang lipunan na tunay na naglilingkod sa mamamayan at hindi sa iilang makapangyarihan,” pagtatapos ng Kadamay.











