Malapad na pagkakaisa kontra korapsyon at kahirapan

Muling ipinamalas ng mamamayang Pilipino ang lakas ng pagkakaisa laban sa korapsyon at kahirapan sa isinagawang mga protesta kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 25. Sa mga pagkilos, malawakang lumahok ang mga manggagawa, magsasaka, maralitang-lunsod, kabataan, kababaihan, taong-simbahan, guro, kawani at iba pang demokratikong sektor.

Pinakamalaki ang pagtitipon ng 12,000 Pilipino, karamihan kabataan, sa EDSA Shrine sa kanto ng Ortigas Avenue. Sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), Youth Rage Against Corruption, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Artikulo XI, Bunyog Pagkakaisa, at Sanlakas, panawagan nila: “Tuloy ang Laban sa Korapsyon at Kahirapan! Lahat ng Sangkot, Dapat Managot!”

Nakiisa at dumalo sa pagtitipon sina Bishop Gerardo Alminaza, pangulo ng Caritas Philippines at tagapangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Action, si Sr. Mary John Mananzan ng Movement Against Tyranny, at mga mambabatas na sina Rep. Leila de Lima ng Mamamayang Liberal at mga kinatawan ng Makabayan Bloc.

Hindi napigilan ang martsa na ilang ulit na tinangkang harangin ng mga pulis. Sa kasagsagan ng gitgitan, dalawang aktibista ang inaresto ng mga pulis, ilang araw na idinetine at sinampahan ng patung-patong na mga kasong kriminal.

Hindi bababa sa 150 organisasyon at 400 indibidwal ang nagpahayag ng suporta sa araw ng pagkilos. Anang mga grupo, ang pagkilos ay “pagpapahalaga sa people power” na kinakailangang ipagpatuloy sa kasalukuyang panahon laluna at umiiral pa rin ang sistemikong korapsyon, kahirapan ng bayan at paghahari ng mga dinastiya at dambuhalang korapsyon. Sa partikular, lubha silang dismayado na wala pa ring “mastermind” na nahuhuli sa nalantad na korapsyon sa mga flood control project at iba pang proyekto ng rehimeng Marcos.

Umalingawngaw ang sigaw nila para papanagutin at pababain sa pwesto sina Ferdinand Marcos Jr at Sara Duterte sa pagkakasangkot sa sistemikong korapsyon. Iginiit din ng iba’t ibang sektor ang kanilang partikular na mga panawagang pang-ekonomya at pampulitika.

Ayaw makipagkaisa

Sa isang bahagi ng EDSA, inilunsad naman ng mga grupo sa ilalim ng Trillion Peso March Movement (TPMM) ang isang hiwalay na pagkilos kung saan dumalo ang ilang kilalang personahe at artista. Tumanggi ang TPMM, sa partikular ang mga grupong SIKLAB, Tindig Pilipinas at Akbayan Partylist, na tumugon sa panawagan ng mga lider ng simbahan at iba pang grupong sibiko na magkaisa.

Ang grupong Akbayan, sa partikular, ay tutol sa mga panawagan na nais panagutin si Marcos at kanyang mga upisyal, sa katwirang si Sara Duterte daw ang makikinabang. Ang mga panawagan sa kanilang protesta ay limitado lamang sa mga panukalang kontra-dinastiya at mga reporma at ilag na ilag na masaling o mabanggit man lamang ang pangalan ni Marcos—ang hari ng korapsyon. Bantog ang Akbayan na kontra sa mga grupong pambansa-demokratiko.

Iba pang mga pagkilos

Maliban sa protesta sa EDSA, nagkaroon din ng pagkilos sa mga prubinsya. Tampok sa mga ito ang libu-libong kumilos sa Baguio City, Iloilo City at Bacolod City.

Nagkaroon din ng protesta at aktibidad sa Dagupan City sa Pangasinan, Angeles City sa Pampanga, Tuguegarao City sa Cagayan, Santiago City, Ilagan at Alicia sa Isabela, Naga City sa Camarines Sur, Legaspi City sa Albay, Kalibo sa Aklan, Roxas City sa Capiz, sa Antique, Tacloban City sa Leyte, Cebu City, Dumaguete City sa Negros Oriental, Cagayan de Oro City, Iligan City at sa Davao City. Samantala, iniulat rin ng simbahang Katoliko ang paglahok sa komemorasyon ng halos 90 diyosesis sa buong bansa.

Sa ibang bansa, nagsagawa ng pag-kilos ang mga migranteng Pilipino sa Germany, United Kingdom, Italy, the Netherlands, Australia, Canada, US, at Hongkong. Malayo man sa Pilipinas ay aktibo silang nakikisangkot para panatilihing buhay ang kasaysayan at ang diwa ng Pag-aalsang EDSA.

Source link