Kinundena ng grupong Campaign Against the Return of the Marcoses and Martial Law (CARMMA) at ng Gabriela Women’s Party (GWP) ang pagbasura ng Sandiganbayan sa isang kaso ng pagkakumpiska sa umano’y ₱50 bilyong nakaw na yaman ng pamilyang Marcos noong panahon ng diktadura.
Noong Hunyo 2, iniutos ng Special Division ng Sandiganbayan ang pagbasura sa kaso dahil sa labis na pagkaantala sa pagtatapos ng prosekusyon sa pagharap ng ebidensya. Ang kaso ay 30 taon nang nakabimbin. Inilabas ang resolusyon matapos maghayag ang Presidential Commission on Good Government na hindi na ito maghahain ng karagdagang ebidensya, dahil karamihan sa ari-arian ay nabawi na sa pmamagitan ng hiwalay na mga kasong sibil. Ang kasong inihain noong 1991 ang huling nakabimbing kaso ng nakaw na yaman laban sa mga Marcos na tinatayang nagkakahalaga ng $5 bilyon. Una nang pinuna ng Special Division ng korte ang mga abugado ng gubyerno dahil sa sobrang pagkaantala sa pagprisenta ng ebidensya at ng mga saksi sa kaso.
“Naisakatuparan ni Ferdinand Marcos Jr ang kanyang layunin nang tumakbo sa pagkapangulo—ang mabawing muli ang nakaw na yaman ng kanyang pamilya na kinumpiska ng gubyerno at kasalukuyang nakatali sa mga usaping ligal,” pahayag ni Kris Lacaba, tagapagsalita ng CARMMA.
Ayon kay Lacaba, muling nabawi ni Marcos Jr ang kanilang ninakaw na yaman habang nakikinabang sa kasalukuyang korapsyon sa gubyerno.
“Maaaring iniisip ni Ferdinand Marcos Jr na siya at ang kanyang grupo ay tuluyan nang nakabalik sa dati …nakakalimutan nila na ang galit na sambayanang Pilipino ay maaari ring bumalik sa dating lakas upang patalsikin ang kanyang grupo ng mga magnanakaw mula sa kapangyarihan,” dagdag ni Lacaba.
Ayon sa GWP, ang pagbasura sa mga natitirang kaso ng pagbawi sa mga nakaw na yaman ay hindi dapat ipakahulugan bilang pagpapawalang-sala sa pamilya Marcos. Sa mga naunang desisyon ng korte, naipawalambisa at naibalik sa estado ang daan-daang milyong dolyar na Swiss deposits, mga ari-arian, alahas, at iba pang yaman na iniuugnay sa mga Marcos. Ang mga pagbawi na ito ay kongkretong patunay na mayroong ninakaw na yaman at ninakaw ang mga pampublikong rekurso sa pamamagitan ng pag-abuso sa kapangyarihan noong panahon ng diktadura ayon pa sa partido ng kababaihan.
“Sa panahong ang karaniwang Pilipino ay sinasabihang maghigpit ng sinturon dahil sa tumataas na presyo at krisis sa ekonomiya, ang pagtatapos ng mga pagdinig sa natitirang mga kaso ng nakaw na yaman ay nagdudulot ng seryosong pangamba na tinatalikuran ng estado ang tungkulin nitong papanagutin ang mga may sala,” paliwanag ni Sara Elago, kinatawan ng GWP.
“Ang nakataya ay hindi lamang ang pagbawi ng mga ari-arian kundi ang pangangalaga sa katotohanang pangkasaysayan… nakipaglaban at nagsakripisyo ang sambayanang Pilipino upang wakasan ang isang diktadurang bantog sa korapsyon at panunupil. Karapat-dapat na malaman ng sambayanan ang buong katotohanan, ganap na pagbawi sa mga nakaw na yaman, at sa buong hustisyang matagal nang dapat naibigay,” dagdag ni Elago.
“Ang laban laban sa pandarambong at kawalan ng pananagutan ay hindi nagtatapos sa pagbasura ng isang kaso. Nagpapatuloy ito hangga’t hindi pa ganap na nakakamit ang hustisya,” pagtatapos ni Elago.











