Sa ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos Jr., marapat na singilin at panagutin ang rehimen sa pagpapahirap, pandarambong nito sa sambayanan at pagdadala sa bayan sa kapahamakan ng gyerang iniuumang ng US laban sa China.
Hindi pa man natatapos ang termino ng rehimeng Marcos II ay hinatulan na ito ng taumbayan bilang hari ng kurapsyon sa bansa. Ang kainutilan nitong parusahan ang mga pulitiko at personaheng nalantad na sangkot sa mga maanomalyang proyektong imprastraktura ng gubyerno pangunahin na ang flood control ay hindi simpleng kwestyon ng kakulangan ng “political will” o kabagalan ng proseso ng reaksyunaryong hustisya. Sa halip, palatandaan ito na si Marcos mismo ang nasa likod ng pinakamalaking modus na gantsuhin ang mga Pilipino. Pangita na sa pagkabahura ng imbestigasyon sa Senado at sa Kamara ang kamay ng Palasyo upang protektahan ang pangulo at mga tapat nitong alipures.
Pakitang tao lamang upang pahupain ang galit ng sambayanan at nagsisilbi sa sariling interes ng mga Marcos na manatili sa poder ang pagsalang kay Sara Duterte sa impeachment hearing sa kongreso. Hanggang sa kasalukuyan, namumutiktik ang poder ng estado mula sa tuktok ng pinakamalalaking magnanakaw at mandarambong sa pangunguna ni Marcos bilang hari at ni Duterte bilang reyna ng korapsyon ngayon sa Pilipinas.
Sa Timog Katagalugan, 6,000 sa 9,866 proyektong flood control (FCP) na nagkakahalaga ng ₱545 bilyong pondo ang peke (ghost), palpak at di nakumpleto mula 2022 nang maupo si Marcos Jr. Pinakamalala sa mga ito ang hindi naitayong proyekto sa Barangay Apitong, Naujan, Oriental Mindoro na tatlong beses na pinondohan.
Hindi pa nasapatan, tigas-mukhang pinawalang-saysay ni Marcos Jr. ang ilang dekada ng paghahabol sa kulimbat na yaman ng kanyang pamilya. Noong nakalipas na buwan, ibinasura na ng Sandiganbayan ang huling kaso ng paghahabol sa aabot pa higit kalahati ng ₱589 bilyon ($10 bilyon) nakaw na yaman ng pamilya sa ilalim ng pasistang rehimen ni Ferdinand Marcos Sr.
Hindi magkamayaw ang rehimeng US-Marcos II sa mga pagsisikap nitong pagtakpan ang isyu at bawiin ang punit-punit nitong prestihiyo sa masa. Pilit nitong inaagaw ang karangalan ng magiting na pakikibaka ng mga biktima ng gera kontra droga sa bansa na nagresulta sa pagkakaaresto at paglilitis kay Rodrigo Duterte, isa pang dambuhalang magnanakaw at kriminal. Mabilis ding kinonsolida ni Marcos Jr. ang mga burukrata-kapitalistang nakaupo sa estado para sa eleksyong 2028 gamit ang kapangyarihan at dinambong na yaman sambayanan. Kaya naman kahit sa gitna ng kainitan ng isyu ng flood control sa anyo ng mga pork barrel ng mga burukrata, pilit pa ring inilusot sa pambansang pondo ngayong taong 2026 ang limpak-limpak na pondo para dito kabilang ang ₱10.7 bilyong pork barrel ni Marcos Jr. Ang pinakahuling balyahan at maniobrahan sa liderato ng Senado bago sinimulan ang impeachment hearing kay Sara Duterte ay salaminan ng di na maitagong pagkabulok ng sistemang pampulitika sa bansa na lalong nililigalig ng papatinding krisis ng malakolonyal at malapyudal na kaayusan.
Higit na inaatupag ng gubyernong Marcos ang bangayan sa mga Duterte para manatili sa poder at ginagamit itong panlibang sa kalagayan ng bayang lugmok sa krisis. Nangunguna ang bansa sa may pinakabagsak na gross domestic product na naitala lamang sa 2.81% isa sa pinakamataas sa nagdaang dekada. Resulta ito ng humihinang produktibong sektor ng agrikultura at manupaktura. Pinakamataas naman ang tantos ng disempleyo sa bansa na 4.8% nitong Mayo 2026 o katumbas ng 2.5 milyong Pilipino. Patuloy pang lumalala ang kahirapan nang sumiklab ang gerang agresyon ng US-Israel sa Iran at naganap ang krisis sa langis sa bansa na ibayong nagpasirit sa dati nang mataas na presyo ng langis at produktong petrolyo. Sinagpang ito ng mga bwitreng kartel sa langis at mabilis din nitong pinataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo. Sumirit ng 6.4% ang implasyon sa kalagitnaan ng taon at ikatlo sa pinakamataas sa rehiyong Southeast Asia. Lalo nitong pinalala ang agwat ng sahod sa kwentadong family living wage (FLW) ng Ibon Foundation. Sa CALABARZON, nasa 51.7% ang agwat ng minimum na sahod na ₱600 at FLW na ₱1,214. Mas malaki naman ito sa MIMAROPA na 65% kung saan aabot lamang ₱455 ang minimum na sahod habang nasa ₱1,301 ang FLW.
Walang pagkabusog ang kasibaan ni Marcos Jr. dahil pinalobo nito sa 45% ang utang ng bansa mula nang maupo sa estado-poder na nagkakahalaga na ngayon ng ₱18.5 trilyon o katumbas ng ₱161,557 utang ng bawat Pilipino. Nakapagngangalit na sa laki ng utang ng rehimen taun-taon, walang pakinabang ang taumbayan dahil napupunta sa bulsa ni Marcos Jr., mga kauri nilang mga burukrata-kapitalista. Kaakibat ng pandarambong, ginagamit ng rehimen ang pondo ng bayan para sa paghahasik ng pasismo upang supilin ang paglaban ng sambayanang Pilipino. Ngayong 2026, pangatlo sa mga ahensyang nilaanan ng pinakamatataas na pondo ng estado ang pasistang ahensya ng Department of National Defense na may ₱305B kasunod ng DepEd at DILG. Malayong mas mataas ito sa pondo para sa kalusugan, agrikultura at iba pang higit na nangangailangan ng mas malaking pondo para pakinabangan ng mamamayan.
Dapat panagutin si Marcos sa higit na pagdami tungo sa 416 kaso ng paglabag ng mga otoridad ng estado sa karapatang pantao na bumiktima sa 27,486 Pilipino ayon sa tala ng Ang Bayan mula Disyembre 10, 2025 hanggang Hunyo 2026. Samantala, sa ilalim ni Marcos Jr., aabot sa 42 kaso ang isinampa laban sa sibilyan at aktibista sa bisa ng Anti-Terrorism Act at Anti-terrorism Financing Law sa Timog Katagalugan. Kasabay nito ang naitalang 10,543 kaso ng red-tagging sa parehong panahon.
Dapat ding pagbayarin si Marcos sa kanyang kataksilan at paglalagay sa kapahamakan sa bayan. Buong kataksilan itong nagpapakasangkapan sa US upang gamitin ang Pilipinas sa inihahanda nitong gyera laban sa China. Kabilang dito ang kabi-kabilang mga ehersisyong Balikatan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, tuluy-tuloy na deployment ng tropa, armas (kabilang ang mga misayl) at mga sasakyang pandigma ng US at mga kaalyado nitong bansa, pagpahintulot sa pagtatayo ng mga lugar gasolinahan, imbakan ng mga armas para sa pangangailangan ng mga pwersa, armas at eroplano’t sasakyan ng US atbp. Inarangkada rin ang Pax Silica na magtatayo ng network ng imprastrukturang militar ng US sa bansa na lalong maglalagay sa Pilipinas sa balag ng alanganin. Ilan sa EDCA sites ang nakatayo sa Palawan at Mindoro sa saklaw ng Timog Katagalugan. Pinaplano pang ikumbert ang Sangley Point sa Cavite bilang airport na magsisilbi sa militar ng US para sa gyera. Tiyak na tiyak na kapahamakan ang dala ng mga ito sa mamamayan ng TK at sambayanang Pilipino. Pinakamasahol, mistulang mga hari ang pwersang US sa bansa dahil sa mga lugar sa bansang kanilang inokupa ay hindi sila saklaw ng batas ng Pilipinas.
Walang kapatawaran ang grabeng pagpapakatuta ni Marcos Jr. sa imperyalistang US at ang tuluy-tuloy na pagpapakasasa sa yamang nililikha ng sambayanang Pilipino. Dapat itong panagutin sa lahat ng krimen nito sa bayan at sa sambayanang Pilipino. Ang garapalang pagsasamantala at pang-aapi ng rehimeng US Marcos Jr. at buong naghaharing sistema ay dapat tapatan ng bayan ng ibayong pagpupunyaging padaluyungin ang kilusang masa. Dapat magpunyagi ang lahat ng pambansa-demokratikong pwersa sa pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa sa gitna ng grabeng kahirapan, kaapihan, pandarambong at pagpapakatuta.
Dapat gawin ang buong makakaya upang labanan at pigilan ang gyerang iniuupat ng US at ni Marcos laban sa China dahil sa tiyak na walang kaparis na kapahamakang dadalhin nito sa sambayanang Pilipino at gayundin sa aping uri at mamamayan sa mga bansa sa East Asia. Gawin ito kasabay ng pagbubunsod ng pakikibaka ng bayan para sa sahod, lupa at karapatan at laban sa pandarambong sa yamang likha at likas ng sambayanang Pilipino. Buong lakas na makibaka upang palayasin ang mga EDCA sites at ang mga pwersang militar ng Amerika sa loob ng bansa at ang pagpapakasangkapan ni Marcos sa mga ito.
Dapat isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino upang palayain ang bayan sa kontrol ng US at mga lokal nitong alipures na mga malalaking kumprador-panginoong maylupa at burukratang kapitalista. Malalaki ang mga kailangang likhaing hakbang at pag-igpaw para sa tuluy-tuloy at papalakas na pagsulong ng rebolusyon sa Pilipinas. Dapat buong-pagpupunyaging ito ay palakasin at isulong ito nang walang humpay. Ito ang tanging landas para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalistang hinaharap ng sambayanang Pilipino.











