PRWC » Ang madugong rekord ni Gen. Romeo Brawner Jr

Magreretiro sa Hulyo 21 si General Romeo Brawner Jr, hepe ng Armed Forces of the Philippines (AFP), matapos ang mahigit apat na dekada ng pagiging utusang pasista ng reaksyunaryong estado. Sa kanyang pag-alis, maaalala siya bilang kriminal sa digma, burukratang kapitalista sa militar, at masugid na asong pasista ng imperyalismong US.

Mahaba ang listahan ng krimen ni Brawner sa sambayanang Pilipino. Habampanahon siyang sisingilin ng mga pinagkakautangan niya ng dugo, at hahabulin ng katarungang bayan.

Mersenaryo ng US

Buong buhay na masigasig na tagasunod si Brawner ng mga dikta ng US. Bilang hepe ng AFP, binuo niya ang Comprehensive Archipelagic Defense Concept para magsilbi diumano sa “mapayapang” eksplorasyon sa exclusive economic zone ng Pilipinas. Sa aktwal, hinango ito sa “Archipelagic Defense Strategy” ng militar ng US na nakatuon sa pagpigil sa China sa Western Pacific, partikular sa tinatawag na “first island chain.”

Walang kahihiyan siyang namalimos ng armas at ayudang militar para sa “pagpapaunlad” ng pambansang depensa. Nanguna siya sa pagbili ng armas para sa “modernisasyon” ng AFP, kabilang ang ATMOS 2000 howitzers, Sabrah light tank, Typhon missile system, at iba’t ibang drone, kasama ang iba pang kagamitang pandigma na pasan ng mamamayan ang gastos.

Bilang masunuring aso ng US, lalo niyang pinaigting ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa pamamagitan ng mga pahayag na anti-China. Noong 2025, hinimok niya ang AFP na “maghanda” sa posibilidad ng pagsalakay ng China sa Taiwan, at ipalagay na “nasa digma” na ang bansa. Katwiran niyang kailangang “iligtas” ang 250,000 Pilipinong nagtatrabaho sa Taiwan kapag nangyari ito.

Sa gitna ng alitan nina Ferdinand Marcos Jr at ng kampong Duterte, sinamantala ni Brawner ang sitwasyon upang itulak ang pagtaas ng badyet ng AFP. Iginiit niyang “kulang” ang sweldo ng mga sundalo. Bunga nito, itinaas ang alawans sa pagkain mula ₱150 tungong ₱350, at dinagdagan pa nang 15% ang batayang sahod ng mga sundalo at iba pang unipormadong tauhan para sa 2026–2028.

Duguang kamay

Tigmak ng dugo ang rekord ni Brawner. Libu-libong magsasaka, katutubo, at Moro ang pinaslang, nawalan ng kabuhayan, at napalayas sa kanilang lupain dulot ng mga operasyong militar na kanyang pinamunuan sa Visayas at Mindanao—sa ngalan ng mga kumpanya sa mina, burgesyang kumprador, at dayuhang mga korporasyon.

Isang kriminal sa digma si Brawner dahil sa kanyang pananagutan sa pagpaslang kay Jorge Madlos (Ka Oris), dating tagapagsalita ng BHB. Nadakip nang buhay si Madlos noong Oktubre 30, 2021 sa Impasug-ong, Bukidnon, at sadyang pinatay, sa utos ni Brawner bilang pinuno noon ng 4th ID. Upang itago ang ebidensya ng tortyur, ipinag-utos niya ang agarang pag-cremate sa bangkay ni Madlos at ng kanyang kasama.

Sa sumunod na taon, dinakip nang buhay, tinortyur, sadyang pinaslang at pinalabas na nasawi sa labanan, sina Pedro Codaste (Ka Gonyong) at Ka Sandro noong Enero 2022, at sina Vincent Isagani Madlos (Ka Yuno) at Glorivic Belandres (Ka Layka) noong Setyembre 2022. Si Ka Yuno ay anak ni Ka Oris.

Siya rin ang nag-utos sa sunud-sunod na mga aerial bombing sa Bukidnon, Misamis Oriental, at mga prubinsya ng Surigao at Agusan na naghasik ng lagim sa mga magsasaka at minoryang mamamayan.

Kasaysayan ng pasismo

Nagmula si Brawner sa pamilya ng mga sundalo at kawani ng gubyerno sa Baguio City. Nagtapos siya sa Philippine Military Academy bilang bahagi ng “Makatao” Class of 1989 at pumangalawa sa klase. Isa rin siyang alumni ng US Army War College, institusyong pinatatakbo ng US Department of Defense para sanayin ang matataas na upisyal militar.

Sa Philippine Army, humawak siya ng iba’t ibang pusisyon mula sa pamumuno ng platun hanggang dibisyon sa Nueva Ecija, Samar, Leyte, Bohol, Cebu, Agusan del Norte, Agusan del Sur, Surigao del Sur, at Davao.

Noong 2017, naging deputy commander siya ng Task Force Ranao at kalauna’y tagapagsalita ng Task Force Marawi. Noong 2018, naging kumander siya ng 103rd Infantry Brigade at nangasiwa sa “rehabilitasyon” ng Marawi. Noong 2021, itinalaga siyang kumander ng 4th ID, at noong 2023 ay naging Chief of Staff ng AFP.

Source link