Kamakailan lamang, muling nagpakita ng sukdulang kalupitan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa madugong insidente sa Toboso, Negros Occidental—ang pagpaslang sa tinaguriang “Toboso 19.” Para pagtakpan ang karumal-dumal na mga krimen at paglabag sa batas ng digmaan, mabilis na ginamit ng militar at ng estado ang kanilang luma at gasgas na script— ang pagbansag sa mga namartir , mapa-hukbo man o aktibistang kabilang sa mga pinaslang bilang mga “terorista.”
Ang paninirang ito ay isang desperadong taktikang psywar ng AFP upang iligaw ang publiko, pagtakpan ang mga iregularidad at paglabag sa International Humanitarian Law sa naturang operasyon, at bigyang-katwiran ang kanilang brutalidad.
Ang Kabataang Makabayan balangay John Paul Calica ay lubos na naninindigan sa katotohanang ang Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army ay hindi isang grupong terorista, kundi isang hukbong rebolusyonaryo na nagsisilbing sandata ng sambayanang Pilipino sa pagkamit ng tunay na kalayaan at demokrasya.
Ang pagbansag ng estado sa NPA bilang “terorista” ay taktikang psywar upang baluktutin ang katotohanan. Ang tunay na terorismo ay ang malakolonyal at malapyudal na sistemang nagpapahirap sa masa at ang karahasang ipinapataw ng gobyerno sa mga naghahangad ng pagbabago. Sa kabilang banda, hindi kailanman maituturing na mga terorista ang NPA laluna at mahigpit itong nagpapatupad ng bakal na disiplina alinsunod sa tatlong alituntunin sa disiplina at walong puntong dapat tandaan nito. Tumatalima rin ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), mga batas ng digma at IHL na nakasaad sa Geneva Conventions.
Ang NPA ay isang rebolusyonaryong hukbo na mahal na mahal ng masa dahil sa kanilang mga kongkretong gawain sa kanayunan. Hindi sila nakikipaglaban para sa sariling kapakanan kundi para sa masang magsasaka sila ang nagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa, nagtatatag ng mga klinika sa mga liblib na baryo, nagtuturo ng pagbasa at pagsulat, at nagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng pang-aabuso na hindi pinakikinggan ng gobyerno. Sa gitna ng pagpapabaya ng rehimen, ang NPA ang nagiging sandigan ng masa, kaya naman labis ang kanilang pagmamahal at pagkalinga sa hukbong nagtatanggol sa kanilang buhay at kabuhayan.
Ang bawat operasyon ng NPA ay may layuning hamunin ang armadong kapangyarihan ng estado na siyang pangunahing instrumento ng naghaharing-uri upang panatilihin ang kanilang kapangyarihan sa kabila ng laganap na kahirapan at kawalan ng lupa ng mga mamamayan.
Sa ganitong diwa, ang pangunahing nagtutulak sa mamamayan na sumapi sa NPA, sa pamamagitan ng negatibong halimbawa, ay ang mismong rehimeng Marcos Jr. at ang bulok na sistema. Sa bawat magsasakang pinalayas sa lupang sakahan, bawat manggagawang pinagkakaitan ng disenteng sahod, at bawat kabataang hinuhulog sa kawalan ng kinabukasan dahil sa korapsyon at pagbebenta ng bansa sa dayuhan, ay may nalilikhang isang potensyal na rebolusyonaryo. Ang armadong pakikibaka ay hindi isang luho kundi isang pangangailangan; ito ang tugon ng masa sa karahasan ng estado isang makatarungang pakikibaka upang agawin ang kontrol sa kanilang kinabukasan mula sa mga mapang-api.
Makikita rin natin na sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., mas tumindi at patuloy pang tumitindi ang pangangailangang maningil sa gobyerno dahil sa pagpapatuloy nito ng mga polisiya ng pasismo at pagyuko sa dikta ng dayuhang kapangyarihan. Gamit ang Anti-Terror Law, ginagawang kriminal ang boses ng mga aktibista at kritiko habang ang rehimen ay nananatiling bulag sa pagtaas ng presyo ng bilihin, kawalan ng trabaho, at korapsyon sa loob mismo ng burukrasya. Tinatarget sila ng pagpatay, pagdukot, iligal na pag-aresto at iba pang mga paglabag sa karapatang-tao.
Kaya naman ang Kabataang Makabayan balangay John Paul Calica ay nananawagan sa lahat ng kabataan na itakwil ang propaganda ng estado; sa halip, tingnan ang katotohanan ng nagaganap sa mga kanayunan at lungsod, at sama-samang singilin ang rehimeng Marcos Jr. sa kanyang pananagutan sa paghihirap ng mamamayan at sa kanyang pagiging tuta sa interes ng imperyalistang Estados Unidos.
Habang pinalalakas ng kabataan ang pagkakaisa at tinig sa mga protesta sa kalunsuran, higit dapat na palakasin ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataan na magiging katuwang ng hukbong bayan sa pagwasak sa reaksyunarsyong estado na siyang pinagmumulan ng lahat ng ating paghihirap. Kabataan, baguhin ang sistema, tumungo sa kanayunan at tumangan ng armas!
Militar sa kanayunan, palayasin!
Hustisya para sa Toboso 19!
Hustisya para sa lahat ng pinaslang ng pasistang estado!
Uphold CARHRIHL!
Kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!











