Ang Bayan Ngayon » Hustisya para sa Talaingod 13, muling isinigaw sa ikalawang taon ng di makatarungang hatol

Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) noong Hulyo 15 ang mga progresibong grupo, guro, at tagapagtanggol ng karapatang-tao upang ipanawagan ang pagbawi sa hindi makatarungang hatol laban sa “Talaingod 13.” Kasabay nito, idineklara ang araw bilang “Global Day of Action to Defend Talaingod 13” na nilahukan ng iba’t ibang organisasyon sa loob at labas ng bansa.

Binubuo ang Talaingod 13 nina dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, dating ACT Teachers Rep. France Castro, at 11 guro at tagapagtanggol ng karapatan. Hinatulan silang maysala ng Tagum City Regional Trial Court noong Hulyo 15, 2024 sa “other acts of child abuse” sa ilalim ng Republic Act 7610. Nagmula ang kaso sa kanilang pagsaklolo sa mga guro at mag-aaral na Lumad mula sa Salugpungan Community School sa Talaingod, Davao del Norte noong 2018 na noo’y ginigipit ng militar at mga paramilitar.

Nanguna sa pagkilos ang Koalisyong Makabayan.

“Nananawagan ang Makabayan para sa agarang pagbawi sa desisyon na nagpaparusa sa makataong pagkilos at pakikipagkapwa sa mga pinagkaitan, nagpapahina sa karapatan ng mga katutubo, at nagpapatibay sa paggamit ng sistema ng hustisya upang usigin ang mga progresibong lider, tagapagtanggol ng karapatang-tao, at mga organisasyon ng mamamayan,” saad ng koalisyon sa isang pahayag noong Hulyo 15.

Sa bahagi ni Ocampo, binigyan-diin niya na ang kaso ay isang anyo ng pampulitikang panliligalig laban sa Makabayan at Bayan Muna.

“Malinaw na sumusunod ito sa patuloy na padron ng pagkakasangkapan sa batas, sa pamamagitan ng gawa-gawa at pulitikal na mga akusasyon para patahimikin ang tinig ng pagtutol at pahinain ang mga organisasyon ng mamamayan na humahamon sa mga pang-aabuso ng pamahalaan,” ani Ocampo.

Ayon naman kay Karapatan Secretary General Cristina Palabay, ang hatol ay nagtatakda ng “mapanganib na pamantayan” sa paggamit ng batas para sa proteksyon ng bata laban sa mga naglalayong magsalba sa kanila mula sa militarisasyon at karahasan ng estado.

Bukod kina Castro at Ocampo, hindi rin makatarungang hinatulan sina Ma. Eugenia Victoria Nolasco, Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Talledo, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, at Wingwing Daunsay. Walo sa kanila ay mga guro at ang administrador ng Salugpungan Community Learning Center at ng Community Technical College of Southeastern Mindanao, at dalawang ay guro mula sa Alliance of Concerned Teachers. Samantala, pinawalang-sala ang kasama nilang apat na akusadong lider-simbahan.

Kalagayan ng Mindanao

Sa parehong araw, nagtipon ang mga lider-Lumad at Moro sa Malcolm Hall ng UP Diliman para sa “2nd KATUNGOD Conference.” Ibinahagi nila ang kalagayan ng karapatang-tao sa Mindanao, at ipinanawagan ang pagbawi ng desisyong maysala sa Talaingod 13.

Sa kumperensya, ibinahagi ng dating mag-aaral sa paaralang Lumad na si Angelika Moral ang karanasan nila ng pagbakwit matapos ipasara ng paramilitar na Alamara ang kanilang paaralan. Higit 10,000 mag-aaral ang pinagkaitan ng edukasyon nang ipasara ng pamahalaan ang 200 paaralang Lumad simula 2018, aniya.

Giit niya sa korte na pakinggan silang mga mag-aaral na napagkaitan ng edukasyon dahil sa militarisasyon.

“Kung sino pa ‘yung tumutulong, sila pa yung kinasuhan. Bilang isang kabataang namulat sa karahasan, sana po pakinggan nila kami. Kami ang pruweba na hindi masama ang aming mga guro,” pahayag ni Moral.

Ibinahagi naman ni Tirmizy Abdulla, propesor ng Mindanao State University-Marawi ang kalagayan ng mamamayan sa syudad siyam na taon matapos pulbusin ng noo’y rehimeng Duterte at ng AFP ang syudad. Panawagan niyang papanagutin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pinsala na idinulot nito sa syudad at pagpapalayas ng libu-libong mga Moro. Hanggang ngayon, may 17,000 bakwit na hindi pa rin nakakauwi matapos ang halos sampung taon.

“Sa katotohanan, ipinaiilalim kami sa walang katapusang siklo ng paglikas. Ang katotohanan ng mga bakwit ay ang tunay na mukha ng rehabilitasyon at ng Bangsamoro Transition,” ani Abdulla.

Nagbahagi rin ng karanasan at mahahalagang punto sina Rev. Raymond Ambray at Atty. Carlos “Kaloi” Zarate.

Source link