Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ang Doshin-Bayanihan 5-25 war games ng Japan at Pilipinas na kauna-unahang inilunsad mula nang maging upisyal ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng dalawang gubyerno noong Setyembre 11. Isinagawa ng Japan at Pilipinas ang mga war games noong Oktubre 7-11 sa Cebu sa matapos ang malakas na lindol na tumama sa prubinsya.
Sinamantala ng Japan ang kalagayan ng mamamayan ng Cebu para itampok ang tinatawag nitong Humanitarian Assistance and Disaster Relief (HADR) para ilusot ang paglapastangan ng war games sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Dinala ng Japan ang iba’t ibang eroplanong pandigma nito at tauhang militar sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon sa Bayan, maaari namang makatulong ang Japan sa mga biktima ng lindol at sakuna sa Pilipinas nang hindi nagpapadala ng tropang militar at nagsasagawa ng mga war games sa bansa. Sa halip na tulong, ang ihahatid lamang umano ng mga war games ay pagyurak sa soberanya ng Pilipinas at insulto sa mga biktima ng brutal at marahas na pananakop ng Japan noong 1941-1945.
“Ang pamamahagi nito ng tulong ay isang palabas, tokenistic, at malisyosyong propaganda para pagtakpan ang nakababahalang pagbabalik ng pwersang militar ng Japan sa ngalan ng imperyalismong US,” pahayag ng Bayan.
Dagdag ng grupo, walang ibang layunin ang mga war games na ito kundi itaguyod ang heyopulitikal na interes ng imperyalismong US sa rehiyong Asia Pacific. “Sinasabing pauunlarin ng pagsasanay pandigma ang panrehiyong pagtutulungan, pero hindi lamang nito binabaliwala ang ating soberanya kundi maging ang ating pambansang seguridad habang isinasapanganib ang lokal na populasyon,” pahayag ng Bayan.
“Layunin nitong palakasin ang depensang First Island Chain sa Pacific sa pamamagitan ng mapang-upat na pagtatayo ng mga base at pasilidad militar, pagpapakat ng tropa at armas, at paglulunsad ng mga war games kasama ang mga alyado nito, na lalong nagpapainit sa tensyon at iringan sa rehiyon,” ayon sa Bayan. Ang First Island Chain ng US kulumpon ng mga bansang ginagamit nito para salagin at pigilan ang paglawak ng mga interes ng katunggaling imperyalistang China.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang Bayan para sa diplomatiko at mapayapang pagresolba sa mga alitan sa mga bansa, kabilang na ang pag-aagawan sa teritoryong maritaym ng Pilipinas at China. “Huwag nating pahintulutan ang isang imperyalistang kapangyarihan tulad ng US na mag-udyok ng tensyon sa paggamit sa ating kalupaan at katubigan bilang isang forward vase para sa mga plano at operasyong militar nito,” ayon pa sa grupo.
Kinundena rin ng Bayan ang papet na rehimeng Marcos sa pagpapahintulot nito sa US at Japan na buhayin ang kanilang kolonyal na presensyang militar sa Pilipinas. “Higit nitong kinakaladkad ang bansa sa isang tunggaliang nagsasapanganib sa buhay ng mga Pilipino,” ayon sa grupo.











