PRWC » Sigaw ng kabataan: Marcos-Duterte, alisin!

Higit 5,000 kabataan at estudyante ang nagmartsa tungong Mendiola sa Maynila noong Oktubre 17 bilang bahagi ng National Youth Day of Action Against Corruption. Sa pangunguna ng mga pambansa-demokratikong organisasyon, mga konseho ng mag-aaral at alyansa, sigaw ng kabataan: “Marcos-Duterte, Alisin! Bulok na sistema, baguhin!”

Nag-walkout ang mga estudyante at naglunsad ng lokal na programa sa kani-kanilang mga unibersidad bago tumungo sa Mendiola. Lumahok sa pagkilos ang mga grupo at estudyante mula sa 28 pampubliko at pribadong unibersidad sa Metro Manila.

Ikinasa rin ng mga estudyante ang walkout at mga piket protesta sa Baguio City, Nueva Ecija, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, Quezon, Cebu City, Iloilo City at Davao City. Tampok dito ang higit 700 estudyante, guro at kawani na nag-walkout sa Central Luzon State University sa araw na iyon.

Ilang araw bago nito, hiwalay na walkout ang inilunsad ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) System (15,000), De La Salle University sa Maynila at Laguna, sa University of the East (UE)-Manila, Our Lady of Fatima University, De La Salle-College of St. Benilde at Mapua University. Nag-walkout rin ang mga estudyante ng De La Salle Araneta University sa Malabon City noong Oktubre 20. Sa kabuuan, tinatayang higit 40,000 estudyante at kabataan sa buong bansa ang lumahok sa kilusang walkout kontra korapsyon simula Setyembre.

Hindi nagpapatinag ang kabataan sa harap ng pagtatangka ng rehimeng Marcos na supilin sila. Itinuloy nila ang mga protesta sa kabila ng naiulat na sunud-sunod na mga “bomb threat” sa mga unibersidad at eswelahan sa maraming prubinsya sa layuning idiskaril ang dumarami at dumadalas na mga pagkilos.

Binatikos din nila ang panunupil ng estado, kabilang ang pagpapatawag ng Philippine National Police sa mga lider kabataan at mamamahayag pangkampus dahil sa pagkakasangkot sa protesta at salpukan sa Mendiola, Maynila noong Setyembre 21. Kabilang sa mga ipinatawag ng mga pulis ang isang mamamahayag at estudyante ng PUP at organisador ng grupong Kalayaan Kontra Korapsyon.

Noong Oktubre 12, nagtipon ang mga biktima ng karahasan ng mga pulis, marami ay kabataan, sa protestang Setyembre 21 na binansagang Mendiola 277. Kasama ang kanilang mga kaanak, mga abugado at grupo sa karapatang-tao, binuo nila ang Alyansa laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis o AKAB.

Source link