PRWC » Pagpupugay sa organisadong paglaban ng NPA Mindoro!

Ubod ng sinungaling ang 203rd Bde at 1st “Exemplars” Company, 2nd CMO Batallion sa pahayag nitong hindi lehitimong labanan ang naganap noong October 1 sa Sityo Badyang, Barangay San Roque, Bulalacao, Oriental Mindoro. Ang totoo, habang nakahimpil ang isang yunit ng NPA, tahimik itong dinikitan ng isang reconaissance tim ng kasundaluhan at pinaputukan ang isang pormasyon ng NPA. Organisadong gumanti ng putok ang NPA na nakapagdis-organisa sa kaaway na nagpasyang umatras. Itanggi man ng 203rd Bde, pero mulat ang napalabang yunit na ang ginantihan nila ng putok ay mga kaaway na tuluy-tuloy ang pagsasagawa ng malawakang operasyon sa Timog Mindoro. Nais nilang pagtakpan ang di makatwirang malawakang operasyong ito sa gitna ng pinsalang tinamo ng mamamayan sa kalilipas lamang na bagyo kung saan mamamayan ng Mansalay at Bulalacao ang isa sa biktima’t nasalanta.

Para pagtakpan ang kabiguan ng 203rd Bde na pinasalain ang NPA, nagmamaang-maangan sila ngayon at nagpapakalat ng pekeng balita sa social media na hindi umano lehitimo ang labanang naganap. Malayong kaiba sa dati ng maruming estilo at taktika ng kaaway sa mga nakaraang labanan, kahit matagal nang nakaatras ang kanilang kalaban, walang patumangga silang namumutok sa kung saan-saang direksyon sa pag-aakalang masisindak ang NPA at masa sa superyor nilang kagamitang militar na sa esensya nama’y puro pag aaksaya ng pera ng taumbayan.

Kung matatandaan, sa serye ng mga labanang naganap nito lamang Agosto hanggang Setyembre, sunud-sunod ang tinamong pinsala ng 203rd Bde sa aktibong pagdepensa ng NPA laban sa mga sumusugod na sundalo. Tinitiyak ng NPA na palaging alerto sa paparating na kaaway, nakukuha ang inisyatiba sa labanan at natitiyak ang pinsala sa kaaway.

Superyor ang lakas ng AFP at PNP sa kagamitang militar, rekurso, at maging ng makinarya sa propaganda kumpara sa kasalukuyang natipong lakas ng CPP-NPA-NDFP. Nasa AFP-PNP ang burgis na midya kung kaya’t kinakaya nitong balu-baluktutin ang katotohanan at maglubid ng samu’t saring pekeng balita at impormasyon para siraan ang rebolusyonaryong kilusan. Gayunman, malalim ang bukal ng suporta ng masang anakpawis at iba pang mga uri at sektor sa higit 5 dekadang pagsusulong ng rebolusyong Pilipino. Kilala ng masa ang NPA, ang tunay at matapat nilang hukbo. Kilala din nila ang AFP at PNP, ang mersenaryo, pasista, at sinungaling na reaksyunaryong hukbo na naglilingkod sa interes ng imperyalistang US, malaking burgesya kumprador, mga panginoong maylupa, at mga burukrata kapitalista na nagkakampihan upang higit na pagsamantalahan ang mamamayang Pilipino. Habang nagpapakabundat ang mga heneral at iba pang matataas na opisyal sa laki ng sweldo at kikbak sa pondo ng AFP-PNP, isinusubo ang mga karaniwang sundalo sa laban at kahit pagod na, walang tigil pa ding isinasabak sa mga operasyon para tugisin ang NPA. Hamon sa mga karaniwang sundalo na iwaksi ang pagiging mersenaryo at kung nais ng tunay na paglilingkod sa kauring anakpawis, tularan si Crispin Tagamolila, dating sundalo na sumampa sa NPA matapos makitang NPA ang tunay na hukbo ng mamamayan.

Hamon ngayon sa NPA Mindoro at lahat ng rebolusyonaryong pwersa na higit na magpalakas upang labanan ang kaaway. Upang magawa ito kailangang higit na maging alerto at magbantay sa maitim na plano ng kaaway na durugin ang CPP-NPA-NDFP ngayong 2025. Kailangang patuloy na magsanay sa gitna ng maigting na pakikidigma. Kailangqng patuloy na pukawin, organisahin, at pakilusin ang masa para sa digmang bayan. Kailangang magpasampa ng mabubuting anak ng bayan sa NPA. At panghuli, kailangang ilunsad ang lahat ng kakayaning taktikal na opensiba na tatama sa ulo at katawan ng kaaway. Sa ganito, tiyak tayong patuloy na lalakas ang NPA at aanihin ang papalawak at papalalim na baseng masa.

Mabuhay ang NPA!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!

Source link