Pagkalason ng mga estudyante sa Antique, kinundena

Mariing kinundena ng Pesticide Action Network Asia Pacific (PANAP) ang nangyaring pagkalason ng halos 268 estudyante sa Pis-anan National High School at Pis-anan Central School sa Sibalom, Antique noong nakaraang buwan. Nakaranas ang mga estudyante ng pagkahilo, sakit ng ulo, pagsusuka, kahirapang huminga, sakit ng tiyan at pagkawala ng malay noong Hulyo 2.

Ayon sa pagsisiyasat, nakumpirma ang presensya ng cypermethrin, isang klase ng lubhang delikadong pestisidyo (highly hazardous pesticide o HHP) sa loob at labas ng eskwelahan na ayon sa grupo ay “nakaaalarma at hindi katanggap-tanggap.” Ito ang dahilan ng pagkalason ng mga estudyante.

Ang cypermethrin ay isang sintetiko na pyrethroid na pestisidyo na tinukoy ng PANAP bilang isa sa “Terrible Twenty,” ang 20 pinakanakalalasong pestisidyo na may matinding epekto sa kalusugan ng mga bata. May pangmatagalang epekto ang kemikal na ito sa kalusugan tulad ng problema sa paghinga, neurotoxicity, endocrine disruption, immunotoxicity at mas mataas na risgo ng pagkakaroon ng kanser sa suso at sakit sa reproduktibong sistema ng lalaki. Nagdudulot din ng sakit na Parkinson’s disease ang matagal na ekposyur sa pestisidyo.

Ayon sa grupo, malubhang paglabag sa karapatan ng mga bata at kaligtasan ng publiko ang pagkalat ng pestisidyo sa mga espasyo na dapat ay ligtas para sa mga mag-aaral. “Hindi ito isang isolated na insidente, kundi repleksyon ng mas malawak at sistematikong usapin ng hindi regularisadong paggamit ng mga HHP sa pagtatanim at lapit nito sa mga kabahayan at eskwelahan,” ayon pa sa PANAP.

“Muli kaming nananawagan sa gubyerno ng Pilipinas at sa iba pang gubyerno sa rehiyon na agarang itigil ang paggamit ng mga HHP, kabilang ang cypermethrin at palitan ito ng mas ligtas, sustenable at mga pagsasanay sa agroekolohiya na pinangungunahan ng komunidad,” pahayag ng PANAP.

“Hindi dapat muling malagay sa kapahamakan ang mga bata dahil sa pestisidyo at hindi ligtas na praktis sa agrikultura,” dagdag ng grupo.

Source link