Sa labas ng Metro Manila, nagprotesta at kumilos ang mga manggagawang Pilipino sa pangunguna ng mga balangay ng Kilusang Mayo Uno (KMU) para militanteng ipagdiwang ang Pandaigidang Araw ng Paggawa noong Mayo 1. Kasabay nito ang pagkilos at martsa ng libu-libong manggagawa at Pilipino sa Maynila na pinangunahan ng National Wage Coalition.
Mula Luzon hanggang Mindanao, umalingawngaw ang panawagan ng mga manggagawa at masang Pilipino para sa umento sa sahod, pagbaba ng presyo ng langis at mga bilihin, at pagwakas sa gerang agresyon ng US-Israel sa Iran. Mahigpit na sumuporta at nakiisa sa mga pagkilos ng sektor ng paggawa ang mga kabataang estudyante, mga propesyunal, at taong-simbahan.
Sa Baguio City, ilinusad ang protesta sa Igorot Garden. Sa Centra Luzon, nagkaroon ng mga pagkilos sa Subic sa Zambales, sa Angeles City sa Pampanga at Meycauyan sa Bulacan. Isang sentralisadong martsa naman ang inilunsad ng daan-daang manggagawa ng Southern Tagalog sa Calamba City sa Laguna. Nagkaroon din ng pagkilos sa Legazpi City sa Albay.
Sa Cebu City, isang martsa ang isinagawa ng daan-daang manggagawa sa Colon at Fuente Osmeña Rotunda. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Tacloban City, Roxas City sa Capiz, Iloilo City at Bacolod City. Sa Davao City, mahigit 500 manggagawa at aktibista ang nagprotesta sa syudad.
Bago ang mga pagkilos sa araw ng paggawa, kabi-kabilang piket at lokal na pagkilos ang isinagawa ng mga unyon at panrehiyong sentro sa paggawa. Kabilang dito ang pasusumite ng petisyon para sa taas-sahod sa mga upisina ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa Central Luzon, Calabarzon at National Capital Region. Panawagan nilang itaas sa antas ng nakabubuhay ang sahod ng mga manggagawa.
Sa mga pagkilos ng mga manggagawa, dumanas sila ng iba’t ibang tipo at porma ng panunupil mula sa mga pwersa ng estado. Pagtatangka ito ng rehimeng Marcos na payukuin ang mga manggaawa at supilin ang kanilang militanteng diwa sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa.











