Pag-abuso sa mga Pilipinong manggagawa sa The Netherlands, inimbestigahan

Iniimbestigahan ngayon ng Labour Inspectorate ng The Netherlands ang kaso ng 23 migranteng tagalinis na inaabuso ng Saints and Stars Gym, isang sikat na gym para sa mayayaman at mga artista, na may maraming sangay sa Amsterdam, ang kabisera ng bansa. Ang 12 sa kanila ay Indonesian at 11 ay Pilipino. Naghain ng reklamo ang mga migranteng manggagawa sa pulis, Fairwork at sa Labor Inspectorate hinggil sa pang-aabuso sa kanila na labag sa batas ng paggawa sa bansa.

Anila, sa loob ng halos limang buwan, pinagtatrabaho sila nang buong linggo nang lagpas 12 oras kada araw. Kinuha ng superbisor ang kanilang pasaporte at minsan ay hindi sila sinasahuran. Nagsisiksikan ang 11 sa kanila sa apat na maliliit na kwarto. Binantaan silang huwag magreklamo at kung gagawin ito ay ipagkakait sa kanila ang isang buwang sahod. Lahat ng ito ay labag sa Minimum Wage and Minimum Allowance Act at Working Hours Act ng bansa. Walang permit para magtrabaho ang mga migranteng manggagawa.

Bunga ng ginawang pagsisiyasat, inaresto ng Public Prosecution Service ang akawntant ng kumpanya sa posibleng kaso ng pagdudoktor ng mga dokumento at rekord ng kumpanya.

Sa simula, itinanggi ng may-ari ng kumpanya na si Tom Moos ang kaso ng pang-aabuso pero inamin din niyang may “posibleng pagkakamali” ang kanyang kumpanya kinalaunan. Marami nang artistang Dutch ang tumanggi nang maugnay sa gym at may mga nanawagan nang iboykot ang mga pasilidad dahil sa kaso.

Umani ng suporta ang laban ng mga migranteng manggagawa mula sa mga migranteng komunidad at sa mamamayang Dutch.

“Nagulat kami nang malaman na may naglilikom ng pinansyal na tulong para sa amin. Masama ang karanasan namin sa mga Dutch, pero may mga mamamayang Dutch pala na gusto kaming tulungan. Maraming salamat sa komunidad sa pagtulong,” pahayag ng mga manggagawa ng kumpanya.

Nakatakdang maglunsad ng protesta ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Europe upang ipanawagan ang hustisya para sa mga manggagawa sa darating na Agosto 8. Makikipagpulong din ang organisasyon sa mga upisyal ng Embahada ng Pilipinas upang talakayin ang kalagayan ng mga manggagawa sa araw na iyon.

Source link