Tumungo sa Office of the Ombudsman noong Hulyo 29 ang mga progresibong grupo mula sa Southern Tagalog upang kundenahin ang desisyon ng Ombudsman na ibasura ang sinampang kontra-asunto na kasong sibil at administratibo nila Hailey Pecayo at Jpeg Garcia laban sa mga upisyal ng 59th IB. Isinampa ang kaso noong Hulyo 19, 2024 matapos mapatunayang gawa-gawa at walang sapat na ebidensya ang mga reklamo ng mga sundalo gamit ang Anti-Terrorism Act (ATA).
Matatandaang sinampahan ng limang gawa-gawang kaso si Pecayo para sa dalawang bilang ng paglabag sa ATA, tangkang pagpatay, at dalawang bilang ng paglabag sa internasyunal na makataong batas noong Hulyo 2023. Isinampa ito nina Sgt. Jean Claude Bajaro at Cpl. Ivan Neil Ogatis, mga upisyal ng 59th IB, sa City Prosecutor’s Office ng Santa Rosa, Laguna. Si Pecayo ay pilit ding idinadawit sa rebolusyonaryong kilusan.
Sinampahan naman ng kasong paglabag sa ATA sina John Peter Garcia, Ken Rementilla at Jasmin Rubia dahil sa pagdalaw nila sa burol ni Kyllene Casao. Ibinasura ang mga kasong ito noong Nobyembre 2023 dahil sa kawalan ng ebidensya.
Kinasuhan si Pecayo matapos niyang isawalat ang papel ng militar sa pagpaslang kay Kyllene Casao, 9-taon gulang, sa Taysan, Batangas noong 2022. Si Pecayo ang kasalukuyang tagapagsalita ng Tanggol Batangan, grupo ng tagapagtangool sa karapatang-tao sa Batangas.











