Dumulog sa istasyon ng radyo na Brigada News FM Naga ang ilang residente ng Caramoan, Camarines Sur upang ireklamo ang panggigipit at pananakot ng mga elemento ng 9th ID sa kanila at kanilang pamilya. Inilabas ng istasyon ang bidyo ng panayam sa mga residente sa Facebook Page nito noong Hunyo 21.
Ani “Lisa,” isang magsasaka, pabalik-balik ang mga sundalo sa kanilang bahay nitong buwan upang pilitin siyang sumuko. Ito ay kahit ilang beses na niyang sinasabing hindi siya myembro ng Bagong Hukbong Bayan.
“Pabalik-pablik sila sa bahay ko, puro pagbabanta at pananakot sa mga pamilya ko. May isang insidente na dahil maingay ang mga bata kinuha ko ang selpon nila, nakita ito ng sundalo at bigla siya pumasok sa bahay ko at pilit na inaagaw ang selpon ko. Sabi ko, sir, hindi ako nagbibidyo!” kwento ni Lisa. Umabot sa punto na hinabol siya ng sundalo hanggang sa loob ng kanilang kwarto.
Kwento ni “Impin”, isa ring magsasaka, pinuntahan ang kanyang bahay ng mga sundalo at may hinahanap na tao sa kanya. Nang sinabi niyang wala ang tao na iyon ay bigla na lamang siyang pinagbantaan, pati ang kanyang anak.
“Paano ko itataguyod ang mga anak ko? Kung anu-ano na ginagawa ko para mapag-aral mga anak ko… tapos ipipilit nila ako maski hindi naman ako NPA. Dun sila sa bundok maggalugad, hindi sa mga sibilyan, dahil ang mga sibilyan natatakot,” pahayag ni Liza.
Nang kunin ng Brigada ang panig ng 9th ID ay naghugas-kamay ang tagapagsalita nito na si Maj. Frank Roldan. Harapan pa itong nagsinungaling at sinabing “sapat ang kaalaman ng mga sundalo sa karapatang-tao.”
Nananawagan ang mga magsasaka na tulungan sila para matigil na ang pambabanta sa kanila ng militar.