Nakabalik na sa Pilipinas ang biktima ng human trafficking na si Mary Jane Veloso, matapos ang halos 15 taong pagkakabilanggo sa Indonesia. Sinalubong siya ng kanyang mga anak, magulang, abugado at mga tagasuporta mula sa Migrante Philippines at Save Mary Jane Task Force sa paliparan nang madaling araw noong Disyembre 18. Pinayagan siyang mabilis na mayakap ang kanyang mga anak at kapatid pagpasok niya sa bilangguan ng mga babae sa Mandaluyong City. Panawagan nila sa rehimeng Marcos, bigyan ng clemency o pagpapatawad si Veloso at payagan siyang umuwi sa kanyang pamilya.
Tulad ng milyung-milyong Pilipinong migrante, nagsimula ang kwento ni Veloso nang magdesisyon siyang mangibang-bansa noong 2010 para mabigyan ng maayos na kinabukasan ang kanyang dalawang anak. Pinangakuan siya ni Maria Kristina Sergio, isang rekruter, ng trabaho bilang kasambahay sa Malaysia. Pagdating sa Malaysia, sinabi sa kanya na may nakakuha na sa kanyang trabaho at muling pinangakuan ng bago.
Habang naghihintay, inatasan siya ni Sergio na pumunta sa Indonesia at binigyan ng maletang magagamit para sa byahe. Lingid sa kanyang kaalaman, nakatago sa maleta ang 2.6 kilo ng heroin (ipinagbabawal na droga) at natuklasan ito ng mga pulis paglapag niya sa Yogyakarta, Indonesia. Agad siyang kinasuhan ng Indonesia at mabilis na hinatulan ng parusang kamatayan. Itinakda ang pagpatay sa kanya sa pamamagitan ng firing squad noong Abril 19, 2015.
Sa tulak ng walang humpay na kampanya ng Migrante at mga progresibong organisasyon at abugado, katuwang ang kanyang pamilya, napigilan ang pagpatay kay Veloso noong 2015.
Sinasalamin ni Veloso ang hirap at mga pakikibaka ng maraming Pilipinong migrante na kumakaharap ng pagsasamantala at pang-aapi sa ibayong dagat, hindi ligtas na mga kundisyon sa paggawa, mahihigpit na dayuhang sistemang korte at kawalang suporta ng gubyernong Pilipino. Hindi bababa sa 49 pang migranteng Pilipino ang humaharap ng parusang kamatayan sa ibang bansa, karamihan sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.
Nitong 2024, nasa 2,457 migrante ang naitala ng Department of Migrant Workers ang nakakulong sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sa lahat ng mga ito, 46 na kaso lamang ang naipanalo ng mga abugado ng Pilipinas at 204 ang natalo.