Higit 500 tsuper, opereytor at tagasuporta, nagprotesta sa Panay

Nagpiket sa harap ng upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region VI sa Iloilo City ang higit 500 mga tsuper, opereytor at kanilang mga tagasuporta noong Mayo 30. Muli nilang tinuligsa ang pagpapatupad sa jeepney phaseout, ang palpak at pekeng programa sa modernisasyon, ng dating rehimeng Duterte na ipinagpapatuloy ng rehimeng Marcos.

Sa pangunguna ng Panay-Negros United Transport Coalition, lumahok sa protesta ang mga drayber at opereytor na hindi pumaloob sa sapilitang konsilidasyon at ang mga pumasok sa kooperatiba at nagpakonsolida. Partikular nilang tinuligsa ang inilabas na Department Order No. 2025-009 na inilabas at pinirmahan ng kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Vince Dizon. Pinagtibay nito ang pagtutulak ng rehimeng Marcos sa bogus na Public Transportation Modernization Program (PTMP).

Ayon sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston), litaw ang pagkadismaya ng mga pumasok sa programa dahil nabaon sa utang, nasamantala sa matataas na bayarin, at nawalan mismo ng mga ruta dahil sa Local Public Transport Route Plan (LPTRP). Anang grupo, inilalaban nila ang malayang pag-atras mula sa konsolidasyon nang walang panganib sa kanilang kabuhayan.

Patuloy din ang panawagan ng Piston para sa pagpayag ng rehimen na makarehistro ang lahat, kasama ang mga hindi pumaloob sa konsolidasyon. Itinutulak nilang ibalik ang limang taong prangkisa para sa mga dyip. “Ginagawang gatasan ng LTFRB at LTO ang pag-ipit sa rehistro gamit ang dahilan ng konsolidasyon, ngunit pinapataas ang under-the-table na bayaran na umaabot na ng ₱20,000 para lamang makarehistro ang kahit sino,” pahayag ng grupo.

Bilang patuloy na paninindigan ng mga drayber at opereytor sa Western Visayas, nakatakda silang magtigil pasada sa buong rehiyon sa darating na Hunyo 5. Magiging bahagi ito ng ipinanawagan ng Pisto na linggo ng protesta kontra sa atrasado, makadayuhan, at negosyong programa ng transportasyon ng rehimeng Marcos.

Source link