Naglabas ng deklarasyon noong Pebrero 25 ang Bangsamoro Darul-Ifta’* na pagbabawal sa pagpilit sa mga babaeng biktima ng panggagahasa na ipakasal sa nanggahasa sa kanya. Anito, ang ganitong kalagayan ay magbibigay ng dagdag pasanin sa biktima, kabilang ang troma mula sa panggagahasa at mabigat na sitwasyon na matali sa taong gumawa ng krimen.
Ayon sa Islamic advisory body, pahihintulutan lamang ang pagpapakasal sa biktima kung nagbigay ng permiso ang babae at matapos ipataw ang lahat ng parusa sa gumawa ng krimen. Itinuturing naman na Hiraba (pagiging bandido) ang pangagahasa na ginamitan ng sandata at pagdukot, na may katumbas na mas mabigat na parusa. Dagdag dito, kailangan ipakita ng nanggahasa ay nagsisi sa kanyang krimen.
Mula Enero 2025 hanggang Pebrero 2025, nasa 22 ang naiulat na kaso ng panggagahasa sa rehiyon ayon sa Women and Children Protection Desk ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Ayon kay Amirah Lidasan, pangkalahatang kalihim ng Moro-Christian Peoples Alliance, ang kautusan ay magpapatibay sa pagkilala sa krimen at maghihikayat sa mga pamilyang Muslim at pinuno ng relihiyon na protektahan ang mga biktima ng pangagahasa at suportahan ang kanilang paghahangad ng hustisya.
Gayunpaman, dapat aralin din ng transisyunal na gubyerno ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung paano ito makatutulong sa mga biktima ng pangagahasa na walang kakayahang magbayad para sa kanilang ligal na depensa, aniya.
“Hinahamon namin ang BARMM na magbuo ng mekanismo at proseso para sa maitatag ang fatwa sa mga batas na kanilang binubuo sa panahon ng transition authority,” paliwanag ni Lidasan.
Ayon sa Gabriela-Southern Mindanao, ang deklarasyon ay tagumpay para sa mga kababaihan at batang Muslim. Ang kailangan ngayon ng Bangsomoro ay matiyak na ganap na nauunawaan ng mga komunidad ang naturang kautusan.
___
*Ang Bangsamoro Darul-Ifta’ ay institusyon na nagbibigay ng mga opisyal na opinyong pang-relihiyon (fatwa) at gabay sa mga usaping Islamiko para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Karaniwang tungkulin nito ang pag-interpret ng Shariah, pagbuo ng mga rekomendasyon sa pamahalaan at komunidad tungkol sa batas at pampublikong patakaran mula sa perspektibong Islam, at pagbibigay ng edukasyon at konsultasyon sa mga imam, lider panrelihiyon, at mamamayan.











