Parang sirang plaka si Rodrigo Duterte sa kanyang paulit-ulit na pagdedeklarang magagapi ng kanyang rehimen ang Bagong Hukbong Bayan (BHB). Kamakailan, nagbanta na naman siyang may “mangyayaring malaki” sa harap ng mga kabiguan ng nakapokus at sustenidong mga operasyong militar at saywar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanayunan.
Sa halip na magapi, itinutulak ng inilunsad nitong todo-gera, sa kumpas ng DSSP Kapayapaan at AFP-PNP Joint Campaign Kapanatagan ang milyun-milyong mamamayan sa landas ng militante at armadong paglaban.
Sa pangkalahatan, walang yunit ng BHB ang nadurog mula nang ibagsak ni Duterte ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng kanyang rehimen at ng National Democratic Front of the Philippines. Niloloko lamang ng AFP ang sarili nito sa pagmamayabang na “naagawan” nito ng teritoryo ang BHB (na katawa-tawa dahil ayon kay Duterte, wala namang sariling teritoryo ang BHB). Alam na alam ng AFP at ni Duterte ang makilos na katangian ng mga yunit gerilya ng BHB at na maaari itong bumase saan man sa malawak na kanayunan. Sa buong bansa, patuloy na nagpupunyagi ang BHB na bigwasan ang mga yunit ng AFP na walang-tigil na nanghahalihaw at naghahasik ng lagim sa mga baryo at komunidad.
Walang duda, mabibigo ang “whole-of-nation approach” ni Duterte, isang programang kopya sa “whole-of-government” at “whole-of-society” ng “kontra-insurhensyang” manwal ng kanyang imperyalistang among Amerikano. Hindi maitatago ng mga palabas na “pakikipagtulungan” ng militar sa mga ahensyang sibil ang pamamayani ng militarismo at pasismo ng kanyang rehimen.
Sa kanayunan, “whole-of-nation” ang tawag ng AFP sa pwersahang pagpapasurender ng mga sibilyan, paghahasik ng takot sa kanilang mga komunidad at pangwawasak sa kanilang kabuhayan. “Whole-of-nation” din ang pamumwersa ng AFP sa mga lokal na gubyerno para ideklarang “persona non grata” ang BHB at ang pagbabawal sa mga “maka-Kaliwang grupo” na lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Layunin ng mga maniobrang ito na ipailalim ang mga sibilyang institusyon sa militar, wasakin ang mga demokratikong organisasyon ng mamamayan at palitan ang mga ito ng mga pormasyong magtataguyod ng pasistang doktrina. Sa ngalan ng “whole-of-nation” nagaganap ang lansakang paglabag sa mga karapatang-tao at pagpapailalim ng buu-buong komunidad sa paghaharing militar.
Mabibigo ang kampanyang “kontra-insurhensya” ni Duterte dahil mabuway ang kanyang paghahari. Batbat ang kanyang gubyerno ng malalalim at mararahas na internal na kontradiksyon na dulot ng kanyang kasakiman sa pondo at pagkahayok sa kapangyarihan. Papatindi ang girian sa hanay ng magkalabang sindikatong burukrata at kriminal sa loob ng kanyang gubyerno. Hayagang nagriribalan ang kanyang mga kaalyado para sa mas malalaking alokasyon sa pondo ng bayan (pork barrel), kikbak sa mga kontrata ng gubyerno, burukratikong pabor at parte sa kita ng mga sindikato sa loob ng tiwaling mga ahensya tulad ng Bureau of Corrections, Bureau of Customs at Bureau of Internal Revenue. Nag-uunahan din ang kanyang mga alipures sa suhol ng mga kriminal na sindikato sa ismagling at iligal na droga. Isang malaking katatawanan ang kanyang “kampanya kontra-korapsyon” sa harap ng madalas na pagkakabunyag ng malalaking kaso ng katiwalian ng kanyang gubyerno.
Hindi ligtas kahit ang kampanya “kontra-insurhensya” sa tiwaling mga upisyal ni Duterte. Milyun-milyon na ang kinokopong kikbak ng kanyang mga heneral at kanilang mga kasapakat na kontraktor mula sa pagbili ng pinaglumaang mga barko at helikopter, gayundin ng mga armas, bomba at balang ginagamit sa mga operasyong militar. Kinukupitan ng mga heneral ang pondong pang-operasyon ng kanilang mga sundalo. Ibinubulsa nila ang mga sweldo ng kanilang mga elemento, laluna ng mga magsasakang sapilitan nilang nirerekrut sa CAFGU. Pinipiga nila kahit ang pondo para sa pwersahang pagpapasurender ng mga sibilyan at pakitang-taong mga proyekto at serbisyong sosyal. Pinakalaganap ang korapsyong ito sa Mindanao, kung saan pinakamataas ang itinala ng mga brigada at batalyon na “sumurender” na mga Pulang mandirigma.
Pero higit dito, mabibigo ang kontra-rebolusyonaryong pakana ng rehimen dahil kinakaharap nito ang isang partido at hukbong bayan na may mataas na disiplina at malalim na nakaugat sa hanay ng masa. Ang mga ito ang pinakamatatag at pinakakonsolidadong pwersang lumalaban sa kanyang tiraniya at nagtatanggol sa interes ng mamamayan. Tinatamasa ng mga ito ang tiwala at suporta ng sambayanan nang hindi idinadaan sa pamimilit at karahasan.
Mahaba ang karanasan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan sa pagbigo sa kontra-rebolusyonaryong operasyon ng reaksyunaryong mga rehimen. Hindi lamang nito nalagpasan ang pasistang diktadura ni Ferdinand Marcos sa loob ng 14 taon, naipundar at napalakas nito sa buong bansa ang hukbong bayan. Hindi ito nagapi ng brutal na mga kampanyang panunupil ng sumunod na huwad na mga demokratikong rehimen.
Puspusan ang pagpupursige ng BHB para ipagtanggol ang mamamayan mula sa mga brutalidad ng gerang nakatuon pangunahin sa mga sibilyan. Kasabay nito, patuloy ang kanilang pagpupursige para biguin ang mga kampanyang panunupil ng rehimeng Duterte. Walang lubay ang kanilang suporta sa mga Pulang mandirigma at mga kadre ng Partido.
Sa buong bansa, puspusan ang mga pagsisikap ng mamamayan para ipagtanggol ang kanilang mga demokratikong organisasyon at ang mga tagumpay ng deka-dekada na nilang ipinaglaban. Tuluy-tuloy ang kanilang paglulunsad ng mga pakikibakang agraryo at pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan, kasabay ng pagbubuo ng kanilang mga organo ng kapangyarihang pampulitika. Sa mga lugar kung saan umiiral na ang mga organong ito at ang gubyernong bayan, pinadadaloy ng mamamayan ang demokrasya sa kanilang hanay para lalupang palawakin at patatagin ang pagkakaisa.
Tulad sa panahon ng diktadurang Marcos, tiyak ang paglakas ng armadong rebolusyon at paglakas ng paglaban ng mamamayan sa tiraniya.