Libu-libong estudyante ang lumahok sa lumalawak na kilusang walkout kontra korapsyon sa Pilipinas. Sa nagdaang linggo lamang, halos 20,000 estudyante mula sa anim na mga unibersidad ang nagmartsa at nakiisa sa mga demonstrasyon sa mga kampus para ipahayag ang kanilang pagkundena sa korapsyon sa ilalim ng rehimeng Marcos.
Sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), pinangunahan ng PUP Office of the Student Regent (OSR) at PUP Rise Against Corruption and Tyranny (RACT) ang protesta ng higit 15,000 estudyante, mga guro at kawani sa iba’t ibang kampus nito sa buong bansa. Sigaw nila ang pagpapanagot sa lahat ng mga sangkot sa korapsyon, at mas mataas na badyet sa sektor ng edukasyon.
Naging mahigpit na katuwang ng PUP OSR at PUP RACT sa paglulunsad ng malaking demonstrasyon ang mga konseho ng mag-aaral at mga organisasyon sa kada kolehiyo at hayskul. Nahikayat ng mga konseho ang ilang mga administrador at dekano ng kada kolehiyo para magpahayag ng kanilang suporta sa kilusang walkout.
“Sa harap ng malawakang korapsyon, pang-aabuso, at pagpapabaya ng gobyerno sa sektor ng edukasyon, hindi mananahimik ang buong komunidad ng PUP!” pahayag ng PUP OSR at PUP RACT. Pinagpugayan nila ang mga nakiisa sa protesta sa harap ng biglaang pag-ulan.
Pinakamalaki ang pagtitipon sa PUP-Manila sa kampus nito sa Sta. Mesa. Suot ang kulay itim na mga t-shirt, bitbit ang mga plakard, at iwinawagayway ang mga bandila, nagmarta ang mga estudyante mula sa iba’t ibang gusali ng mga kolehiyo at senior highschool bago nagsama-sama para sa isang programa.
Liban sa isyu ng korapsyon at karagdagang pondo sa edukasyon, kinundena nila ang panggigipit ng rehimeng Marcos sa kapwa nila estudyante na Gio Caballes, kabilang sa Mendiola 277 na inaresto sa protesta noong Setyembre 21. Binatikos rin nila ang subpoena ng Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kay Jacob Baluyot, mamamahayag ng The Catalyst at tagapangulo ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag-PUP, dahil sa paglahok sa pagkilos sa Mendiola.
Dumalo sa programa sa kampus si Kabataan Party-list Rep. Renee Co, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. Isinara ang pagkilos sa PUP-Manila sa pagsusunog ng effigy ni Ferdinand Marcos Jr bilang simbolikong pagpapamalas ng kanilang galit at pagkundena sa katiwalian ng rehimen.
Nagkaroon rin ng mga pagkilos sa kampus ng PUP sa Quezon City, Taguig City, Parañaque City, sa Alfonso at Maragondon sa Cavite, sa Sta. Rosa sa Laguna, sa Sto. Tomas at Talisay sa Batangas, at Lopez sa Quezon. Sa PUP-Quezon City, pagkatapos ng programa sa kampus ay nagmartsa ang daan-daang estudyante patungo sa House of Representatives sa Barangay Batasan Hills para kalampagin ang mga kongresista.
Ayon sa League of Filipino Students (LFS)-PUP, ang masiglang partisipasyon ng mga estudyante sa kilusang walkout ay patunay ng kanilang galit laban sa korapsyon. “Patunay ito na buhay na buhay ang kilusang estudyante na galit sa walang habas na pagnanakaw ng mga pulitiko, sa pangunguna ng magnanakaw-in-chief na si Marcos Jr, hindi lang sa kaban ng bayan kundi sa kinabukasan ng mga kabataan,” anang grupo.
Ipinahayag ng PUP OSR na magkakaroon pa ng katulad na mga pagkilos ng mga estudyante ng PUP System sa hinaharap. “Hangga’t hindi napapanagot ang mga korap at tiwali sa ating gobyerno habang pinagnanakawan tayo ng kinabukasan!” deklarasyon nito.
Hindi pahuhuli ang mga pribadong unibersidad
Sa nagdaang linggo, sumiklab rin ang mga walkout sa De La Salle University (DLSU) sa Maynila at Laguna, sa University of the East (UE)-Manila at Our Lady of Fatima University (OLFU). Kasunod ito ng serye ng mga walkout na ikinasa na ng University of Sto. Tomas (UST), Far Eastern University (FEU), Ateneo de Manila University (ADMU) sa Metro Manila noong Setyembre.
Makasaysayan ang walkout at demonstrasyon ng hindi bababa sa 1,500 Lasalyano sa De La Salle University (DLSU)-Manila noong Oktubre 6 sa Taft Avenue sa Maynila. Nakiisa sa protesta ang ilang organisasyon at estudyante ng katabing De La Salle College of St. Benilde. Ang pagkilos ay pinangunahan ng Lasallians Against Corruption (LAC) na nagbuklod sa mga konseho ng mag-aaral, partidong pampulitika, mga organisasyon sa kampus, at mga progresibong samahan. Samantala, daan-daan ang lumahok sa protesta sa DLSU-Laguna sa araw na iyon sa pangunguna ng Laguna Campus Student Government.
“Higit sa pagpuprotesta laban sa mga korap, binabatikos rin namin ang gubyerno sa kabiguan nitong mabilisang magpataw ng hustisya. Napakabilis nilang magkulong at mag-subpoena ng mga nagprotesta pero mabagal naman sa paglilinis ng kanilang hanay,” pahayag ni Zara Zantua, tagapagtipon ng LAC. Dagdag niya, maging si Marcos mismo ay nagsisikap na tumakbo mula sa kanyang pananagutan.
Umaasa ang LAC na makapagbibigay inspirasyon ang kanilang demonstrasyon sa mga unibersidad sa Taft Avenue na maglunsad rin ng kani-kanilang protesta at sumanib sa kilusang walkout. Ang ilang mga organisasyon ng DLSU-Manila ay bahagi ng mas malapad na alyansang One Taft na tumitindig kontra korapsyon at atake sa karapatang-tao. Nakatakdang maglunsad ng hiwalay na walkout ang De La Salle College of St. Benilde sa Oktubre 13.
Sa UE-Manila sa Recto Avenue, daan-daang estudyante ang nagmartsa sa loob ng kampus noong Oktubre 8 para irehistro ang kanilang tindig kontra korapsyon. Naigiit ng mga estudyante at grupo na makalabas sa kampus para ipagpatuloy ang programa sa kabila nang naunang pagtatangka ng administrasyon na hindi sila palabasin.
“Sa nangyaring walkout, masasabi ko na nakakaproud ang bawat Mandirigma dahil hindi rin namin inaasahan na dadagsain ng napakaraming estudyante. Ngayon, proud kami na masasabi na ang mga Mandirigma ay gising na, mulat na, at hindi na muling pipikit pa,” pahayag ni UE-Manila University Student Council (USC) President Andrea Nicole Osinsao sa panayam ng UE RedWire.
Sa OLFU-Quezon City, isang pagkilos rin ang ikinasa ng mga estudyante noong Oktubre 9. “Sa matagal na panahon, ngayong araw ay bumuo ng kasaysayan ang mga Fatimanians bilang kauna-unahang mobilisasyon sa pamantasan,” ayon sa Anakbayan-Novaliches.
Sa susunod na linggo, inaasahang mas maraming protesta pa ang pangungunahan at ilulunsad ng mga kabataan at estudyante sa mga unibersidad at komunidad. Nakatakda ilunsad ang isang pambansang protesta ng mga kabataan at estudyante na pangungunahan ng Youth Action Against Corruption sa Oktubre 17.











