Sa gitna ng higit pang tumitindi at tuluy-tuloy ng mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanayunan, nakapagsagawa ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng mga armadong aksyon at aktibong depensa sa Negros, Quezon, at Mindoro.
Sa Negros Occidental, pinaputukan ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang nag-ooperasyong tropa ng 79th IB sa Purok 5, Barangay XI (Gawahon), Victorias City noong Setyembre 14 ng gabi. Nasugatan ang ilang sundalo, na nagsisilbing protektor ng panginoong maylupang nangangamkam ng lupa.
Sa Quezon, muling pinaputukan ng BHB-Quezon (Apolonio Mendoza Command) noong Setyembre 4 ng gabi ang bagong tayong kampo militar ng 85th IB sa Barangay Cogorin Ibaba, Lopez. Pangalawang beses nang inatake ng BHB ang kampo na ipinagbunyi ng mga residente.
Sa ulat kamakailan ng BHB-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr Command), pinaputukan nito ang nagkakampong tropa ng 15th IB sa Sityo Patol, Barangay Caliling, Cauayan, Negros Occidental noong unang linggo ng Agosto.
Aktibong depensa. Nakapaglunsad ng kontra-atake ang BHB-Mindoro (Lucio de Guzman Command) laban sa umaatakeng tropa ng 1st IB sa Sityo Tugas, Barangay San Vicente, Roxas, Oriental Mindoro noong Setyembre 9. Ayon sa yunit, kaagad nitong nabantayan ang presensya ng pwersa ng 1st IB kung kaya maagap na nakapaghanda, nakapusisyon at nakapagpaputok ang mga Pulang mandirigma.
Napatay sa labanan ang isang sundalo at nasugatan ang dalawang iba pa. Samantala, pinarangalan ng BHB-Mindoro si Ka Kardo, 33, Pulang mandirigmang namartir habang magiting na nakikipaglaban sa mga pasista.










