Solusyon “2-estado,” lipas at wala nang basehan sa reyalidad, ayon sa grupong Palestino

Mariing binatikos ni Marwan Abdel-Al, lider ng Popular Front for the Liberation of Palestine (PFLP), ang solusyong “2-estado” na inilalako ng mga bansang kaalyado ng US sa Europe at Middle East. Tinawag niya itong “ni-recycle na ilusyon sa pulitika na napaglumaan na ng reyalidad” at sinabing isa itong solusyon na “hindi na umiiral labas sa mga diplomatikong pahayag.”

Kamakailan, nagpahayag ang France na pormal nitong kikilanin ang estado ng Palestine sa pagpupulong ng United Nations sa darating na Setyembre. Kundisyon sa pagkilalang ito ang paglulunsad ng eleksyon para sa Palestinian Authority sa 2026, pagkundena sa “terorismo” at pagtanggal sa Hamas sa paggugubyerno sa Gaza, kung saan nahalal at nakaupo ang mga upisyal nito mula pa 2006.

Kaugnay nito, binuhay ng European Union at Arab League ang solusyong 2-estado sa isang kumperensyang pinangunahan ng France at Saudi Arabia noong Hulyo. Inilalako ito ng dalawang bansa bilang solusyon sa pagwawakas ng armadong sigalot sa Gaza at paglalatag diumano ng kapayapaan sa rehiyon. Kundisyon nito ang pagsuko ng Hamas, na namumuno sa armadong paglaban sa henosidyo ng US-Israel, kasama ang ilan pang armadong grupo, kabilang ang PLFP.

Sa ilalim ng solusyong 2-estado, itatayo ang estadong Palestine sa magkakahiwalay, hindi magkarugtnog at masisikip na teritoryong natira sa kanila matapos agawin at sakupin ng Israel ang kabuuan ng teritoryo noong 1967. Lubhang dehado ang mamamayang Palestino sa solusyong ito, lalupa’t inokupa na ng Israel kahit ang masisikip na teritoryong iniwan para sa kanila.

Tanong ni Abdel-Al, paano magkakaroon ng “2 estado” kung tuluy-tuloy ang malawakang pagpuksa sa kanilang lahi at pang-aagaw at pagpapalawak ng Israel sa mga teritoryo ng Palestino? Ayon sa mga ulat, inokupa ng 700,000 Israeli ang mga lupa ng Palestino sa West Bank. Samantala, hayagan nang inamin ng pinuno ng estadong Zionista na si Benjamin Netanyahu ang tunay nitong layuning sakupin ang buong Gaza at ikulong sa masisikip na evacuation center ang natitirang mga Palestino. Kahit bago sumiklab ang Al Aqsa Flood noong Oktubre 2023, animo’y malalaking kulungan na ang Gaza at West Bank, mga teritoryong pinaliligiran ng matataas na pader, tadtad ng mga tsekpoynt at bantay-sarado ng mga sundalong Israeli.

Pananatilihin lamang ng solusyong “2 estado” ang brutal na kolonyal na pamamahala ng Zionistang estado, ayon kay Abdel-Al. Binatikos niya ang pagtutulak ng France at iba pang bansa ng 2-estadong solusyon gayong wala sa kanila ang buong nag-aatras ng suporta sa Israel at sa halip ay patuloy na sinusuhayan ang henosidyo sa Gaza sa direkta at di direktang mga paraan. Habang tuluy-tuloy ang presyur ng mga bansang ito sa Palestine at Hamas, walang ginagawa ang mga ito na tunay na pagrenda sa Israel, na tumatangging tanggapin ang solusyong “2-estado” at ang pag-iral ng estado ng Palestine.

Maraming kabataang Palestino ang naniniwalang isang “bitag sa pulitika” ang solusyon 2-state, ayon kay Abdel-Al. Sa halip, iginigiit nila ang katarungang nakabatay sa kasaysayan, ang karapatan nilang bumalik sa lupa ng kanilang mamamayan, at ang pagbubuwag sa sistemang “apartheid” kung saan itinuturing na mas mababang mamamayan ang mga Palestino sa sarili nilang lupa.

Source link