Ipinapaabot ng Lucio de Guzman Command (LDGC)-NPA Mindoro at ng mamamayang Mindoreño ang taas-kamao at rebolusyonaryong pagbati kay Ka Cleo Del Mundo—ang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command-NPA Timog Katagalugan. Buong-loob at determinado ang mga Pulang mandirigma at rebolusyonaryong mamamayan ng Timog Katagalugan na tuloy-tuloy na isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa rehiyon sa kabila ng umiigting na gerang panunupil at pandudurog ng 2nd Infantry Division (ID) ng AFP at buong rehimeng US-Marcos II!
Hindi kayang pasubalian ng anumang itim na propaganda ni Major General Ramon Zagala ng 2nd ID ang malinaw na katotohanan: nanatili at nagpapanibagong-lakas ang NPA at mga larangang gerilya sa rehiyon kasabay ng pagsiklab ng galit ng mamamayan sa tumitinding pagpapahirap at pang-aapi sa kanila ng rehimeng US-Marcos II. Si Ka Cleo bilang bagong tagapagsalita ng Melito Glor Command ay tanda ng pagpupursige ng mamamayan ng Timog Katagalugan sa landas ng matagalang digmang bayan. Si Ka Cleo ay dating tagapagsalita ng Apolonio Mendoza Command-NPA Quezon. Mula 2015, binigyan niya ng boses ang mamamayan sa lalawigan ng Quezon at ang kanilang rebolusyonaryong pakikibaka. Tagapaghatid siya sa masa ng balita ng matatagumpay na mga taktikal na opensiba ng NPA Quezon, magiting na pagtatanggol nito sa sunod-sunod na kampanyang panunupil ng mga iba’t ibang rehimen at ng pagpupunyagi ng rebolusyon sa Inang Larangan ng Timog Katagalugan. Bilang babaeng kumander ng NPA, si Ka Cleo ay simbolo rin ng di-matatawaran at mahalagang papel ng kababaihang Pilipino sa armadong pakikibaka.
Sa harap ng tumitinding panununupil ng 2nd ID sa Timog Katagalugan, nagpapatuloy ang pakikidigmang gerilya sa iba’t ibang larangan. Sa gabay ng kilusang pagwawasto ng Partido Komunista ng Pilipinas, nagpupunyagi ang lahat ng pwersa ng rebolusyon upang bawiin at palawakin ang baseng masa, isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka ng masang api para sa kanilang mga kahilingan at karapatan at palakasin ang NPA at paigtingin ang armadong pakikibaka. Taliwas sa giit ng AFP na maingay lang sa propaganda ang rebolusyonaryong kilusan ng Timog Katagalugan, patunay ang mga alingawngaw ng sunod-sunod na labanan sa pagitan ng mga yunit ng Melito Glor Command at ng AFP sa iba’t-ibang larangan sa rehiyon di lang sa kakayahan at kapasyahan ng mga Pulang mandirigma na humarap at lumaban sa mga pasistang sundalo kundi patunay rin sa nagpapatuloy na malawak at mainit na pag-suporta ng masang anakpawis sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at sa kanilang tunay na hukbo.
Patuloy na pinagdurusa ng rehimeng US-Marcos II ang mamamayan ng Timog Katagalugan sa pang-aagaw ng lupa, kawalan ng disenteng kabuhayan, tumitinding kagutuman, bulok na serbisyong panlipunan at teroristang karahasan ng AFP-PNP-CAFGU kaya patuloy rin ang kanilang pagyakap, pag-suporta at paglahok sa demokratikong rebolusyong bayan bilang tanging solusyon sa kanilang kaapihan. Ang malawak na pagkilos ng mamamayan nitong Setyembre laban sa korapsyon ng rehimeng US-Marcos II ay salamin ng sumisidhing galit ng mamamayan di lang kay Marcos Jr. kundi sa buong nabubulok na sistema. Tanda ito ng paghahanap ng mamamayan ng alternatibong maipapalit sa kasalukuyang mapagsamantala at mapang-aping kaayusan—isang alternatibo na malaon nang binalangkas ng programa ng demokratikong rebolusyong bayan. Kaya habang naghuhumiyaw ang mamamayan para sa tunay at makatarungang pagbabago, paparami sa kanila ang namumulat, naoorganisa at kumikilos di na lang para sumuporta sa armadong pakikibaka kundi para tuwirang humawak ng armas at maglingkod sa masang api bilang mga Pulang mandirigma ng Hukbong Bayan.
Mabuhay ang New People’s Army!
Mabuhay ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan ng Timog Katagalugan!
Mamamayang Mindoreño, sumapi sa NPA! Isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!










