Ang Bayan Ngayon » Plantasyon ng GMO na mais sa Capiz at IloIlo, nagpalubha sa pagbaha sa isla

Noong Oktubre 18, nalubog sa baha ang Capiz at hilagang Iloilo dulot ng bagyong Ramil. Nagdeklara ng ‘state of calamity’ ang lokal na gubyerno ng Roxas City at Capiz dahil sa malawakang pagkasira dulot ng bagyo.

Ayon sa pagsisiyasat ng mga siyentista, napag-alaman na isa sa pangunahing salik sa paglala ng pagbaha sa Capiz at hilagang Iloilo ay ang kumbersyon ng malawak na kabundukan sa mga prubinsya tungo sa plantasyon ng GMO na mais na Bt+RR.

Batay sa datos noong 2024 at 2023, nasa 15,881 ektarya ang plantasyon ng mais sa Capiz, at nasa 25,856 ektarya ang plantasyon ng mais sa hilagang IloIlo o sa bayan ng Batad, San Rafael, San Dionisio, Barotac Viejo, Lemery, Sara, San Enrique, Concepcion, Ajuy, Estancia, Barotac Nuevo, Dueñas, Dumangas, Leon, Lambunao, at Cabatuan. Nasa 70% na tinatanim sa mga prubinsya na dilaw na mais ay BT corn.

Ang mga GMO na mais ay ng pestisidyo laban sa peste. Obligadong gumamit ng glyphosate na herbicide (pamatay-damo) sa palibot nito. Ang malawakang paggamit ng herbicide na may glyphosate ay nagdudulot ng pagguho ng lupa at ‘sedimentation’ o pag-ipon ng lupa sa ilalim ng tubig. Nababawasan din ang kakayanan ng lupa na maghigop ng tubig.

Sa Bukidnon, batay sa pag-aaral noong 2020, napag-alamang mas mas mataas ang probabilidad na gumuho ang lupa (55%) na may taniman ng mais na GMO. Sa Cagayan, naiugnay ang malawak na pagbaha sa pagkasira ng mga gilid ng ilog dahil sa pagkalbo ng kagubatan at matinding paggamit ng herbicide sa mga tanim na GMO na mais.

Ang pag-ipon ng lupa sa ilalim ng tubig ay nagdudulot ng pagkitid sa mga ilog at mga sanga nito, na nagbabawas ng kapasidad ng mga ito na magpadaloy ng tubig. Pinalalala nito ang pagbaha sa mga komunidad na nasa mababang bahagi ng dinadaluyan ng tubig.

Naulat din ang parehong kaso ng pagkasira ng lupa at malawakang pagbaha sa hilagang Luzon, partikular sa bahagi ng Nueva Viscaya hanggang Isabela, Cagayan at Aparri. Ilan sa mga bayan dito ay nagbawal na sa pagtatanim ng RRBt Corn.

Ayon sa mga siyentista, malaki ang pananagutan ng mga kumpanyang gumagawa ng herbicide, ahensya ng gubyerno na nagsusulong ng GMO at nakalalason na kemikal, at lokal na gubyerno na hindi nagpatutupad ng ordinansa sa mga sona at paggamit ng lupa.

Source link