Kinundena ng Tanggol Migrante Movement (TMM) ang kapabayaan ng embahada ng Pilipinas at pagtalikod nito sa responsibilidad na pigilan ang iligal na deportasyon ng isang Pilipinong migrante sa Eswatini (dating Swaziland, isang bansa sa South Africa) noong Oktubre 6. Ang Pilipinong migrante ay isa sa 10 indibidwal na pinadeport sa naturang bansa.
Hugas kamay ang embahada ng Pilipinas at pinasinungalingan pa ang ulat. Anito, walang dokumento ang biktima na magpapatunay na siya ay isang Pilipino. Ipinagpilitan ng embahada na dapat umuwi muna sa Pilipinas ang biktima at maghain ng kanyang ‘citizenship’ o pagkamamamayan upang mapatunayan na siya ay Pilipino, na imposibleng gawin dahil nakapiit ito sa kulungan ng ICE.
Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA, ang biktima ay ipinanganak sa Pilipinas sa isang Pilipina at ama na Amerikano.
“Ang kapal ng mukha ng embahada na maghugas kamay sa kanilang responsibilidad, samantalang ang burukrasya, hindi epektibong proseso at kapalpakan ng gubyerno ng Pilipinas ang dahilan kung bakit ngayon nasa alanganing sitwasyon ang napadeport na Pilipinong migrante,” galit na pahayag ng grupo.
Anito, nakaiinsulto na ang embahada ang nagtatakda sino ang Pilipino at sino ang hindi, at kung sino ang karapat-dapat lamang tulungan, samantalang ang kahirapang dulot ng gubyerno ng Pilipinas ang nagtutulak sa mga Pilipino na magtrabaho sa ibang bansa.
Dagdag dito, ang deportasyon sa Matsapha Correctional Centre sa Eswatini, isang pasilidad na kilala sa pagiging siksikan at lumalabag sa karapatang-tao, ay maaring mabuo sa isang nakakabahalang padron. Maari nang mapadeport sa ibang bansang liban sa Pilipinas ang mga Pilipinong migrante dahil lamang sa kulang sila ng batayang mga dokumento. Bulnerable din mapadeport sa ikatlong bansa ang mga Pilipinong natanggalan ng refugee status at hindi maaring makauwi sa Pilipinas.











