Patung-patong na paglabag sa internasyunal na makataong batas (IHL) ang isinagawa ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kaugnay sa kaso ng namartir na Pulang mandirigma na si Jordan Mopon. Hindi nito ginalang ang mga karapatan g kanyang pamilya mula nang kunin ang nila bangkay ni Mopon hanggang sa kanyang burol sa Rizal.
Si Mopon ay isang Pulang kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southern Tagalog (Melito Glor Command) na napaslang sa isang labanan sa 73rd Division Reconnaissance Company noong Oktubre 17 sa Sityo Balagbag, Barangay San Mateo, Norzagaray, Bulacan. Isang araw makalipas ang insidente, kaagad tumugon ang mga grupo sa karapatang-tao sa pakikipagtulungan sa pamilya ni Mopon para mabawi ang kanyang bangkay.
Simula pa lamang ng paghahanap, iniligaw at pinagpasa-pasahan na sila ng mga yunit ng sundalo. Ipinailalim rin sila sa sarbeylans ng mga sundalo.
Kinundena ng Karapatan-Central Luzon (CL) ang mga hakbang na ito ng mga sundalo. Anang grupo, sa ilalim ng IHL ay maituturing na paglabag sa karapatang-tao ang panghaharang, pagtatago, pagpaparada, pambubusabos, o iba pang panggigipit na isinagawa ng AFP sa kanilang mga pinaslang. “Gayundin, paglabag sa batas ang kanilang mga panlilinlang, pamimilit, at intimidasyon sa mga kaanak at sa mga katuwang nilang paralegal support para maantala o mabigo na disenteng maiuwi at mapagluksaan ang mga labi ng kanilang mahal sa buhay.”
Kinampuhan ng 24 na sundalo ang loob at paligid ng Faith Memorial Homes sa Gaya-gaya, San Jose del Monte City kung saan naroon ang bangkay ni Mopon. Ayon sa Karapatan-CL, ang ilan sa mga sundalo ay armado ng matataas na kalibre ng baril, habang may mga aset paniktik na nagmamanman sa paligid.
Hinarang at pinigilan ng mga sundalo ang ang paralegal at humanitarian team ng Karapatan na dapat sana’y makatutulong sa pamilya, at sinadyang sandalan at barahan ang pinto ng punerarya upang pigilan ang anumang komunikasyon sa mga kaanak. Sa kabila nito, nanatili ang Karapatan-CL sa punerarya para tiyakin na maiuuwi ng pamilyang Mopon ang bangkay.
Noong Oktubre 20, naiulat na isinakay ng pwersa ng 73rd DRC at 80th IB ang kabaong na naglalaman sa bangkay ni Mopon para “ihatid” sa kanilang barangay. “Isinama” rin sa sasakyang militar ang pamilya ni Mopon. Lubhang ikinabahala ng Karapatan-CL ang aksyon na naglalantad sa sikolohikal na intimidasyon at panghaharas upang maimpluwensyahan at pasunurin ang pamilya sa kagustuhan ng militar.
Kasabay nito, ginagamit din ng militar ang pamilya upang patahimikin ang mga ulat at post ng mga organisasyong tumutulong sa kanila. “Isa itong hayagang pagsikil sa kalayaan sa pagpapahayag at karapatan sa impormasyon,” anang grupo.
Hanggang sa burol ni Mopon ay hindi tinantanan ng militar ang pamilya. Pumwesto ang mga sundalo ng 80th IB na nakauniporme at may bitbit na mahahabang baril sa lamay noong Oktubre 21 sa Barangay San Jose, Antipolo, Rizal. “Ang ganitong presensya ng mga armadong tauhan ay malinaw na paglabag sa karapatang-tao ng mga pamilya at komunidad na nagdadalamhati, at isang anyo ng intimidasyon at psychological warfare laban sa mga sibilyan,” pahayag ng Karapatan-CL.
Nanawagan ang grupo sa Commission on Human Rights (CHR) at iba pang kaukulang ahensya na imbestigahan ang pangyayaring ito at papanagutin ang mga responsable. Anila, dapat igalang ng mga armadong puwersa ng estado ang mga espasyong sibil at itigil ang paggamit ng pananakot sa mga seremonyang dapat sana’y pinangingibawan ng kapayapaan at pagkilala sa buhay ng tao.
“Ang pagluluksa ay hindi krimen. Ang pagdadalamhati ay hindi dapat pinanghihimasukan ng mga may baril,” anito.











