Nagpahayag ng pakikiisa ang Katipunan ng mga Samahan ng Migranteng Manggagawa sa Korea (KASAMMA KO) sa Migrants Trade Union at pagkundena sa pagtugis ng gubyerno ng South Korea sa mga migrante na walang dokumento sa bansa.
Mula Setyembre, umigting ang pag-aresto at deportasyon sa mga migrante bilang bahagi diumano ng paghahanda ng gubyerno sa gaganaping Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) sa South Korea sa Disyembre.
Ayon sa grupo, inuulit lamang ng gubyerno ang naganap noong 2010 na G20 Summit kung saan ginamit din ng gubyerno na dahilan ang internasyunal na aktibidad upang tugisin at arestuhin ang mga manggagawang walang dokumento.
Ang APEC ay isang malaking pagtitipon ng mga lider ng 21 bansa, kabilang ang US, para talakayin ang pamumuhunan sa kapakinabangan ng mayayaman at kita, at sa kapinsalaan ng karaniwang mamamayane. Malaking pasanin ang APEC para sa mga manggagawa at dapat itong tutulan, ayon sa grupo.
“Sa kabila ng matinding pangangailangan para sa mga migranteng manggagawa, kriminal parin ang pagtrato ng gubyerno ng South Korea sa mga migrante sa bansa. Dapat itigil ng gubyerno ang pagtugis at kilalanin ang karapatan na manatili ng mga walang dokumento sa bansa. Marami na ang namatay at napinsala dahil sa marahas nilang pagtugis,” pahayag ni Chat Dimaano, tagapangulo ng KASAMMA KO.
Ayon sa datos ng estado, nasa 78,000 ang mga Pilipino ang nasa South Korea, kabilang dito ang mayroon at walang dokumento. Karamihan sa mga Pilipinong migrante ay nagtatrabaho sa bansa bilang manggagawa sa mga pagawaan at opereytor ng mga makina.










